Virac, Catanduanes – Nasa test and commissioning process pa umano ang pitong gensets ng SUWECO, kung kaya’t synchronization umano ang malaking  dahilan ng manaka-nakang brownout sa lalawigan ng Catanduanes.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko, sinabi ni Congressman Hector Sanchez na patuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan sa management ng FICELCO upang maresulba ang problema.

Ayon sa kanya,  luma na umano ang mga kable ng FICELCO kung kaya’t madalas mangyari ang unscheduled brownouts o  thrift off ng kuryente na ikinadidismaya ng mga konsumedor.

Ito rin ang pananaw ni TGP Partylist representative Jose “Bong” Teves, Jr. sa panayan ng Bicol Peryodiko.

Ayon sa kanya, dapat umanong sumabay sa hamon ng panahon ang FICELCO dahil napag-iiwanan na umano ang mga kagamitan nito.

Ayon kay Teves, batay umano sa pahayag ni FICELCO General Manager Raul Zafe,  sapat na umano ang supply ng kuryente kumpara sa demand ng lalawigan. Sa ngayon meron umanong silang 15Mega watt na available at mataas ito kumpara sa 13MW na demand sa lalawigan.

Dahil dito, nagpasaring si Congressman Teves na ipupursige  nila ang panukalang pagsasapribado ng  kooperatiba sakaling hindi matugunan ng FICELCO ang paulit-ulit na problema.

Sa kabila nito, sinabi naman ni  Kongresman Sanchez na nagbigay na rin umano sa kanya ng assurance ang Napocor sa pamamagitan ni  NAPOCOR President Pio Benavidez  upang alalayan ang FICELCO habang hindi pa nagiging stable ang suplay ng kuryente. Hindi muna umano aalisin ng NPC ang kanilang generator bilang augmentation sakaling merong mga aberya sa mga susunod na araw. Tuloy-tuloy din umano ang construction ng energy highway  para sa 69KV transmission line na siyang malaki ang maitutulong sa stability ng suplay. Aniya, una nang nasimulan ito noong gobernador pa siya sa lalawigan taong 2000.

Sa long term solution sa kuryente, masayang ibinalita ng solon na aprub na sa committee level ng House of Representatives noong Hunyo 4 ang House Bill No, 1194 para sa submarine cable na una nang inirekomenda ng NEDA region 5.

Ayon sa opisyal, hindi umano sa isang iglap mangyayari ang naturang pangarap, subalit umaasa umano siyang masisimulan ang proyekto sa susunod na taon na nagkakahalaga ng 18 bilyong piso. Nagtutulungan umano sila ni TGP solon Teves upang maisulong ito sa kongreso at senado. (BP|FERDIE BRIZO)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.