VIRAC, CATANDUANES – Isang resolusyon ang isinusulong ng isang bokal sa Sangguniang Panlalawigan upang himukin ang (inter-agency Task foce (IATF) Catanduanes na isailalim sa rapid test ang lahat na papasok sa lalawigan ng Catanduanes.
Ayin kay Board Member Robert Fernandez ng East District, sakop ng nasabing hakbang hindi lamang ang mga Locally Stranded Individuals (LSIs) kundi ang mga Returning Overseas Filipinos (ROFs) at ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR).
Sa panayam kay Fernandez, sinabi nitong dito mismo sa mga pier ng Catanduanes isasagawa ang rapid test.
“The moment they set foot in Catanduanes, rapid test should be conducted,” paglalahad ng bokal. Hindi siya pabor na sa Maynila isinasagawa ang rapid testing dahil may mga pagkakataon umano na sa mismong byahe na nakukuha ng isang pasahero ang Virus. “Kaya mas mainam na sa kanilang pag-apak sa Catanduanes ay saka isasagawa ang rapid test”, dagdag pa ng opisyal.
One thousand five hundred hanggang sa dalawang libong piso ang gagastusin ng gobyerno para sa bawat tao na isasailalim sa rapid test.
Samantala, sang-ayon naman si Goberandor Joseph Cua sa nilalaman ng resolusyon ni Fernandez. Pero ayon sa kanya, kailangan ng probinsya na magdagdag ng mga nurses na magsasagawa ng rapid test at magri-realign din ng pondo upang matugunan ang budgetary requirements nito. (RAMIL SOLIVERES)