Humihingi ng suporta ang Department of Education (DepEd) mula sa lokal na pamahalaan ng Catanduanes upang maisakatuparan ang layunin nitong maiparating sa tahanan ng bawat mag-aaral ng probinsiya ang alternatibong edukasyon ngayong nalalapit na pasukan.

Modular instruction ang magiging pangunahing mode ng edukasyon ngayong taon – ito ay base na rin sa resulta ng isinagawang learners’ enrolment survey ng DepEd sa 30,539 na mag-aaral, kung saan 45 porsyento nito ay pabor sa paggamit ng mga module, samantalang 14 porsyento lamang ang pabor sa online/internet learning.

Sa isinagawang consultative conference na dinaluhan ng mga kapitan at punongguro, inilatag ng DepEd ang mga hakbang na kanilang isasagawa upang maging matagumpay ang transisyon mula classroom-based instruction patungo sa remote distance learning.

“Mahirap sa mahirap, pero hindi imposible,” wika ni Schools Division Superintendent Danilo E. Despi sa nasabing pulong noong Hulyo 9 sa Virac Sports Center.

Dahil dito, iminungkahi ni Despi sa nasabing pulong ang pagtalaga ng LGUs ng mga tao sa mga barangay, tulad ng tanod, na kukuha ng modules sa mga paaralan at maghahatid nito sa kabahayaan ng mga mag-aaral.

“Humihingi ng assistance ang DepEd sa LGUs, na magtalaga ng mga tao sa barangay na kukuha ng modules, at pangngunahan naman ng mga barangay captain ang pag-distribute sa mga bahay,” ayon kay Despi.

Ayon sa kanya, ang modules na ginawa ng mga guro ay may maximum na 15 pahina, sumailalim sa disinfection process, at naka-pack na para sa bawat pamilya.

“An module, ginibo nin maestra, pinag-adaran nin marhay, pig-proseso, nag-agi kan quality assurance para mai-sure na an quality kan module, halangkaw ang standard,” dinagdag niya.

Maliban pa rito, idinulog din ng DepEd sa LGUs ang pagkakaroon ng mga volunteer teachers, na tatawaging bagong bayaning guro, sa bawat barangay na gagabay sa mga mag-aaral, maging sa mga magulang na nahihirapang turuan ang kanilang mga anak ng mga araling nakasaad sa modules.

“Nakapagdesisyon ng division office na since marami tayong teacher applicants, pwede silang gawing volunteer teachers – para gabayan ang mga pamilya na walang kakayahang suportahan ang kanilang mga anak,” sinabi niya.

Hiling naman ng DepEd sa LGUs na mabigyan ang magiging workers ng remuneration sa pamamagitan ng honorarium bilang kapalit ng serbisyong kanilang iaalay sa pagtuturo sa mga mag-aaral.

Bukod dito, naghain ng resolutions ang DepEd-Catanduanes na humihiling ng cash assistances sa opisina ng Gobernador at mga Congressman na gagamiting pambili ng printing equipment at iba pang materyales na kakailanganin sa paggawa ng modules.

May resolutions din na inihain ang sektor na humihiling sa mas mabilis at episyenteng serbisyo ng mga telecommunication companies sa probinsiya.

Samantala, nilinaw naman ni Despi na hindi kalidad na edukasyon ang maibibigay ng sangay ngayong taon kundi alternatibo lamang, at ang mental development lamang ng mga mag-aaral ang kanilang isinasaalang-alang.

“Ang ibibigay po namin ay hindi excellent learning modality, ito po ay alternative. This is a pro-active measure on the part of the DepEd that we will be bringing modules to the home of every learner, only to provide motivation and needed input for their mental development,” paliwanag ng opisyal. (G.O Information Unit/JAMIE ROSE O. INTER)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.