Virac, Catanduanes –  Hindi pa sa ngayon inuugnay ng Provincial Health Office (PHO) sa salitang local transmission ang pagpositibo ng isang pasyente sa COVID-19 sa barangay Calatagan proper sa bayang ito.

 Ito ang nilinaw ni Provincial Health Office (PHO) sa isinagawang pagpupulong ng mga miyembro ng Provincial Inter-agency Task Force (IATF) sa Catanduanes noong Hulyo 22.

Ayon kay Dr. Hazel Palmes, hindi tugma ang depinisyon ng Department of Health (DOH) sa local transmission at ang pagkakahawa ni Patient 288 mula kay Patient 245 kaya hindi maikukupirmang local transmission ang naitalang kaso.

 Base sa depinisyon ng DOH, ang local transmission ay ang pagkatala ng dalawa o higit pang kaso ng COVID-19 sa magkakalapit na lugar; maari itong sa mga bahay-bahay o quarantine facility sa loob ng 14 araw.

Matatandaang close contact si Patient 288 ni Patient 245, isang Locally Stranded Individual (LSI) mula sa Silang, Cavite at nakumpirmang positibo sa COVID-19 noong Hulyo 15. Si Patient 288, binata, isang laborer naman ay nag-positibo sa nasabing sakit noong Hulyo 21 lamang.

Ang dalawa ay magkasama sa iisang boarding house sa Brgy. Calatagan proper, Virac kaya hindi pa umano masasabing local transmission ang pagkakahawa ni Patient 288 kay 245.

“Since Patient 245 and Patient 288 came from the same housing unit, hindi dalawa, we cannot confirm that there is local transmission,” paliwanag ni Dr. Palmes.

Samantala, hindi rin umano maaring magpatupad ng lockdown sa Brgy. Calatagan dahil nasa iisang bahay lamang nakatira ang dalawang nakumpirmang kaso. Upang maisalilalim aniya ang barangay sa lockdown, kailangan munang magtala ng dalawa o higit pang postibong kaso mula sa dalawa o higit pang kabahayan.

Sa ngayon, wala munang pwedeng pumasok at lumabas sa boarding house na tinuluyan ng dalawa.

Nasa mahigpit na monitoring sa ngayon ng lokal na pamahalaan ng Virac sa pamamagitan ng Rural Health Unit (RHU) si patient 288, 23 anyos, walang-asawa na may permanent address mula sa Bato, Catanduanes. Si patient 245 naman ay nasa pangangalaga ng EBMC, isang 61 anyos na lalaki at sinasabing wala na itong nararamdamang sintomas.

Sa kabuuan, 15 kaso na ng COVID-19 ang naitatala sa lalawigan; 8 dito ay nakumpirmang recovered at 7 naman ang active cases. (G.O Information Unit/JAMIE ROSE O. INTERIOR)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.