San Andres, Catanduanes โ€“ Ang unang araw sana ng pasukan para sa Academic Year 2020 -2021 nitong Agosto 24, ay ginugol na lamang ng ilang guro sa ilang paaralan sa bayang ito sa dry run ng modular instructions.

Ang layunin ng nasabing dry run ay upang malaman kung magiging epektibo ba ang mga napagplanuhan ng mga paaralan sa San Andres sa pamamahagi at pagkolekta ng mga module. Kabilang dito ang paghingi ng tulong sa mga LGU at magulang ng mga mag-aaral.

Sa naging dry run noong Agosto 24, maagang ibinigay ng mga naatasang maghatid ng mga module ang mga learning materials sa bawat barangay. Dito, gamit ang sound system, ay tinatawag ang pangalan ng mag-aaral upang kunin ang kanilang mga module na nakasilid sa isang long plastic envelope.

Sasagutan ng mag-aaral ang mga module sa loob ng 5 araw. Kokolektahin naman ang mga ito sa araw ng Biyernes, sa ganap na alaโ€“una ng hapon.

Pagkatapos nito, magsasagawa ng pagpupulong ang mga guro at mga namumuno sa bawat paaralan upang makita ang mga kalakasan at kahinaan sa kanilang pamamaraan.

Samantala, habang hinihintay ang opisyal na pagbubukas ng klase, sa Oktubre, magiging abala ang mga guro sa pag-imprenta ng mga module at supplementary materials. Marami ang nagpasalamat sa paglipat na ito ng petsa ng pasukan dahil sa kakulangan aniya ng oras upang maimprenta ang mga modules, kakulangan ng gamit at ng modyul mismo.

Sa panig naman ng DepEd, umaasa itong magiging handa na ang mga modyul at mga guro bago mag Oktubre 5.

Samantala, hindi rin inaalis ng kagawaran ang posibilidad na baka malipat muli ang petsa ng pasukan. Depende umano ito kung bababa o tataas pa ang mga kaso ng Covid 19 sa bansa.

Inilapat ng Malakanyang ang pagbubukas ng klase sa darating Oktubre 5 dahil sa mga restriksyon  pa rin dala ng Covid 19.  (ULAT NI JAKE S. TERRAGO)

Advertisement