Virac, Catanduanes – Pansamantalang itinigil muna ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes ang renewal ng mga job order employees sa kapitolyo.
Sa memorandum na ipinabas ni Gobernador Joseph C. Cua na may petsang Agosto 27, pagtitipid ang pangunahing dahilan ng naturang termination.
Kaugnay nito, inatasan ng gobernador ang Human Resource Management na pangasiwaan at imonitor ang compliance ng naturang kautusan.
Noong Agosto 28 ang itinakdang huling araw ng pagpasok ng mga empleyado alinsunod sa kautusan.
Samantala, hindi naman saklaw ng naturang kautusan ang mga job order employees sa tanggapan ng Bise Gobernador maging sa mga miyembo ng Sangguniang panlalawigan.
Maliban sa austerity measure o pagtitipid, wala namang inilahad na iba pang mabigat na dahilan ang gobernador.
Sa kabilang dako, ikinalungkot naman ng mga apektadong empleyado ang mabilis na hakbang ng gobernador. Ayon sa ilang empleyado na ayaw ng magpabanggit ng pangalan, wrong timing umano ang hakbang ng gobernador. Hindi umano sila naabisuhan ng maaga upang makapaghanap ng malilipatan lalo pa ngayong panahon ng pandemya.
Umaasa naman ang ilan na ikukunsidera ng gobernador ang naging aksyon. Tila hindi umano napapanahon ang dahilan na austerity samantalang marami umano sa mga empleyado ay matagal na sa trabaho. Apela ng mga ito sa gobernador, dahil sa pandemya, sana maikunsidera umano ang hirap nang mawalan ng trabaho.