Dr. Despi

Virac, Catanduanes – Nilinaw ni Schools Division Superintendent Danilo Despi ng Department of education (DepEd) na walang online teaching na gagamitin sa Catanduanes ngayong darating na pasukan.

Ito ang naging reaction ng opisyal hinggil sa mga balitang lumalabas na meron nang mga estudyante at mga magulang na nagkukumahog para makabili ng gadgests para sa online teaching.

Una nang napabalita ang pag-akyat ng bundo ng ilang estudyante makasagap lamang ng signal. Partikular sa mga bulubunduking lugar, kagaya ng Gigmoto, Pandan at iba pang liblib na lugar nababahala ang mga magulang kung ganito ang magiging Sistema ng pagtuturo dahil sa kawalan ng signal maliban pa sa magiging pabigat ito sa kanilang usaping pinansyal.

Ayon sa opisyal modular umano ang magiging instruction nila sa unang arangkada ng pasukan at merong ipapatupad na standard process dito katuwang ang mga barangay officials para sa distribusyon  at koleksyon ng mga instructional materials.

Dahil dito, pinawi ni Despi ang pangamba ng mga magulang hinggil sa posibleng pagbili ng mga gadgets para makapag-online sa klase.

Sa impormasyon hinggil sa paggamit ng radyo at telebisyon, sinabi ng opisyal na gagamitin lamang umano ito bilang alternatibo at support para sa mga kinder pupils  bilang instruction materials. Module umano ang magiging sentro ng kanilang pagtuturo. Sa katunayan, tapos na umano ang ginawang dry run sa iba’t ibang barangay sa buong lalawigan at naging matagumpay naman umano ito.

Sa usapin kaugnay sa paghingi ng coupon bond maging iba pang tulong mula sa mga magulang at mga sector, binigyang diin ni Dr. Despi na bahagi umano ito ng brigada eskwela, kung saan kailangan din umano ang kooperasyon ng komunidad.

Hindi umano kakayayanin lahat ng paaralan ang gastusin kung kaya’t kailangan umano ang tulungan. Para lamang umano ito sa mga individual na merong kakayahang tumulon at ito ay buluntaryo lamang na walang pilitan.

Binigyang diin ng opisyal na all set na umano sila sa pagbubukas ng klase at excited na rin umano ang mga guro na nagkaroon ng pagsasanay para sa new normal classes. Hangad niyang maging maganda ang pagpapatupad nito sa kabila ng kinakaharap na pandemya. (Ulat ni Arvin Tabuzo)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.