Virac, Catanduanes – Naitala sa Barangay Danicop sa bayang ito ang ikalawang namatay sa covid-19 sa lalawigan ng Catanduanes na si Bicol Patient 1819.

            Nitong Sabado (Setyembre 26) nang kumpirmahin ni Mayor Posoy Sarmiento at Punong Barangay Raymund Valeza ang impormayon.  

            Ang pasyente ay itinago lamang sa pangalang “Aling Lita”, 77 anyos, residente ng Barangay Danicop, ulila at dating parlorista.

            Sa ipinalabas na kalatas ng Provincial Health Office (Pho) noong Setyembre 26, iniulat na nakaranas ito ng  sintomas noong Setyembre 20 at inadmit sa hospital noong Setyembre 22. Dakong alas 2:30 ng madaling araw noong Setyembre 25 nang ideklarang wala ng buhay ang pasyente.

            Ayon kay Punong Barangay Valeza, hindi na nagkaroon ng maraming contact ang pasyente kung kaya’t hindi na sila nagsagawa ng malawak na contract tracing dahil naka-isolate na rin ang mga nagbantay dito. Dati na ring may history umano ng pagkakasakit ang pasyente at posibleng komplikasyon ang nangyari.

            Binigyang diin ni Valeza na mahigpit naman na sinunod ang burial protocols sa pasyente, kung saan nailibing ito dakong alas 4 ng hapon noong Setyembre 25, o labing apat (14) na oras matapos mamatay.

            Dahil dito, muling binigyang diin ni Mayor Posoy Sarmiento ang mahigpit ma pagsunod sa health protocols upang maiwasang mahawaan ng naturang sakit. Ang ikalawa umanong kaso ng pagkamatay ng isang covid patient ay dapat magsilbing aral sa mga residente upang maging aware sa pinapasunod na health protocols.            

Matatandaang, noong Agosto 15 nang maitala sa Immaculate Health of Mary Hospital ang pinakaunang namatay sa  covid-19 sa bayan ng Virac na residente ng Gogon, 65 anyos na isang market vendor na si Bicol Patient no. 649.

Advertisement