Virac, Catanduanes – Other woman o love angle ang sentro ng imbestigasyon ng PNP Virac sa pinakabagong shooting incident na kinasasangkutan ng biktimang si Engineer Jesus “Jess” Albaniel.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko, binigyang diin ni Chief of Police Antonio Perez na mas nakatutok umano sila sa angulo ng relasyon ng biktima sa ilang babae, batay na rin sa testimonya ng ilang sources.
Katunayan, galing umano ito sa isang okasyon sa Barangay San Vicente, bago mangyari ang insidente at posible aniyang nagkaroon ng kagalit ito bago umalis kung kaya’t sinundan siya. Ayon sa impormasyon, matagal na umanong separated de facto ang biktima sa kanyang asawa at nag-iisang buhay na ito.
Sa usapin ng droga, sinabi ng opisyal na kasama rin umano ito sa kanilang kinukunsiderang anggulo, subalit mas maugong ang tungkol sa other woman story.
Kinumpirma ni Perez na nitong nakalipas na Setyembre 5, 2020 lamang nang makasabay ito sa graduation rites ng mga nagsipagtapos sa Drug rehabilitation Program. Isa rin umano si Albaniel sa mga sumuko sa PNP kaugnay sa “Oplan Tokhang” na inilunsad ni Presidente Rodrigo Duterte matapos maupo sa pwesto. Sa kabila nito, negatibo naman umano ito sa isinagawang drug test.
Matatandaang, noong Setyembre 30, 202, dakong alas 9:33 ng gabi nang pagbabarilin si Engineer Albaniel habang ito ay sakay ng blue tricycle habang binabagtas ang kahabaan ng Rizal Street sa Barangay Francia, malapit sa chapel at dating barangay plaza.
Kaagad nito, isinugod sa hospital ang biktima subalit ito ay idineklarang dead on arrival ng doctor.
Kaugnay nito, nanawagan si Chief of Police Perez sa mga nakakita sa mga suspek na makipagtulungan sa kanilang tanggapan upang matugis at mapanagot sa batas ang mga salarin.
Maari aniyang idulog sa Virac MPS ang anumang impormasyon na makakatulong sa paglutas ng brutal na pagpatay sa biktima sa pamamagitan ng pagtawag sa hotline numbers 09183242541 o 09985986027.