Virac, Catanduanes – Sakit ng ulo ng lokal na pamahalaan ng Virac ang limitadong slot sa swab test na ipinapatupad ng Department of Health (DOH) na hindi tumatalima sa ideya ng contact tracing.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko sinabi ni Mayor Posoy Sarmiento na maliban sa limitadong slot, mabagal din ang paglabas ng resulta kung kaya’t kailangan pang maghintay na ilang araw bago makagawa ng panibagong tracing sa mga suspected cases. Mahirap din umanong mag lockdown ng bahay kung wala pang resulta o batayan upang hanapin ang mga posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibo.
Sa tanong kung ano ang epektibong hakbang ng LGU hinggil sa paglobo ng numero sa bayan ng Virac, sinabi ng alkalde na contact tracing ang isa sa pinaka-epektibong pamamaraan upang mapigilan ang transmission. Kung bakit umano masyadong malaki ang bilang sa bayan ng Virac kumpara sa ibang bayan dahil dito ang sentro ng komersyo at maraming papolasyon.
Sa pinakahuling datos ng DOH nitong Oktubre 1, umaabot na sa 55 ang commulative na bilang ng kaso sa bayan ng Virac mula sa kabuuang 88 sa buong lalawigan ng Catanduanes.
Ayon sa alkalde, hindi surpresa ang naturang numero dahil ang bayan ng Virac ang sentro ng komersyo at mas malaki ang populasyon kumpara sa ibang bayan sa lalawigan.