San Andres, Catanduanes – Kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na malaki ang posibilidad na resulta ng blast fishing ang pagkakamatay ng mga “melon headed whales” o balyena sa bayan ng San andres.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay BFAR Region 5 spokesperson Nonie Inova nitong Oktubre 12, bagamat hindi pa umano lumalabas ang resulta ng kinuhang specimen samples sa mga namatay na balyena sa pamamagitan ni Dr. Jane Rubio ng Provincial Veterinary office, ito aniya ang nagkakaisang opinion ng mga eksperto, batay sa sugat at sitwasyon ng mga ito.
Dahil sensitibo umano ang ganitong mga isda, ang malakas umanong pagsabog sa karagatan ang dahilan ng pagkakaroon ng imbalance ng mga ito kung kaya’t nagkaroon ng mass stranding sa isang lugar. Ang pagpapahinga umano ang solusyon nila upang mamantini ang upright position.
Sa tanong kung ang pagpa-selfie at paghawak ng ilang residente sa mga balyena ay kasama sa mga naging dahilan ng pagkamatay, ayon sa opisyal, posibleng nakadagdag pa ito sa stress na nagresulta sa kanilang paghina. Dapat umanong nakapagpahinga ang mga ito. Ang interaction umano ng mga residente ay hindi nakatulong upang ganap na makarecover sa kanilang iniinda o mga sugat sa katawan.
Makikita sa video na halos nagkalasog-laog ang katawan ng ilan sa balyena at meron ding duguan ang hasang na epekto aniya ng blast fishing o bomba. Iniimbestigahan ng BFAR kung merong nangyaring blast fishing sa Catanduanes at sa Lagonoy Gulf area.
Bagamat hindi sinsisi ng BFAR ang kakulangan sa aksyon ng mga opisyal ng San Andres, nanawagan ito maging sa mga residente na maging aware sa ganitong mas stranding na dapat ipaabot sa kanilang tanggapan sa mas lalong madaling panahon.
Matatandaang, isang araw makalipas na mapasaya ang mga residente ng Barangay Bo-not sa bayang ito, nabalot ng lungkot ang sumunod na araw noong Oktubre 8 matapos matagpuang wala ng buhay ang umaabot sa labing apat (14) na mga balyena na may scientific name na “Melon-headed whales”.
Mapapansin sa mga natagpuang patay na balyena ang lasog lasog na katawan habang ilan sa mga ito ay nakasalansan sa mga ugat ng bakawan. Napadpad ang ilan sa mga ito sa mga bakawan sa sitio Kapagatpatanan, isang kilometro ang layo mula sa Barangay Bo-not.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay Punong Barangay Gaspar Santelices ng Barangay Bo-not, sinabi nitong posibleng ang pagkakapadpad sa bakawan ang naging resulta ng pagkamatay dahil inabot na ng low tide ang ilan sa mga ito.
Mag-aalas kwatro (4) ng hapon noong Oktubre 7 nang ipaalam ni PB Santelices sa lokal na pamahalaan ang pagdagsa ng mga balyena na unang tinawag ng mga residente na dolphins. Kaagad naman rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction Office personnel maging PNP at Philippine Coastguard na pinagtulungang maitaboy ang mga ito sa malalim na lugar. Inabot umano sila ng halos alas 10 ng gabi para lamang maitaboy ito sa karagatan.
Madaling araw na nang ipaabot kay PB Santelices ang impormasyon na merong namatay sa Barangay Yocti. Kasunod nito ang report sa ilang balyena na namatay sa mga bakawan. Kaagad umanong nagtungo sila sa lugar at namataan ang umaabot sa walong (8) mga patay na balyena. Makalipas pa ang ilang oras nang mamataan ang iba pang namatay na balyena na umabot sa kabuuang labing apat (14).
Sa tulong ng lokal na pamahalaan ng San Andres isinagawa ang paglibing sa mga balyena, kung saan hinukay ito sa baybayin sa pamamagitan ng backhoe.
Labis na ikinalungkot ng konseho maging mga residente ang pangyayari dahil sa hindi nila inaasahang malalagay sa peligro ang buhay endangered species. Halos hindi umano magkamayaw ang mga residente matapos dumagsa sa kanilang lugar dahil una umanong itong pagkakataong makakita sila ng ganito karaming mga malalaking isda.
Makikita sa mga posted videos na halos nakikipaglaro pa sa mga residente ang mga balyena. Walang masidlan sa tuwa maging ang mga nakapanood sa facebook, subalit napalitan ito ng madilim na ala-ala nang mamatay ang ilan sa mga ito.