Virac, Catanduanes – Ikinalungkot ng mga kaparian, kapamilya at mga kaibigan ni Bishop Jose Crisologo Sorra mula sa lalawigan ng Albay at Catanduanes maging sa iba pang bahagi ng Bicol ang kaniyang pagpanaw.

            Binawian ng buhay si Bishop C. Sorra, madaling araw noong Enero 21 sa Tanchuling hospital sa lungsod ng Legazpi sa edad na 91 dahil sa respiratory failure. 

            Siya ay ipinananganak noong Marso 9, 1929 sa bayan ng Malinao, Albay, lumaki sa lalawigan ng Catanduanes at inordenan bilang ganap na  pari noong Marso 17, 1956.

            Dahil sa kanyang natatanging husay bilang alagad ng simbahan, maaga siyang naitalaga bilang Obispo sa lalawigan ng Catanduanes noong Marso 27, 1974 at nagkaroon ng Episcopal Ordination noong Agosto 28, 1974. Siya ang pinakaunang Obispo sa lalawigan ng Catanduanes matapos maitatag ang Diocese ng Virac mula sa Diocese of Legazpi sa lalawigan ng Albay.

            Si Bishop Sorra ang pinakaunang obispo sa lalawigan kung kaya’t nakuha niya ang loob ng mga Catandunganon at kinilala ng mga matataas na opisyal. Nagsilbi siya bilang obispo sa lalawigan sa loob ng labing-siyam (19) na taon.

            Kasama sa mga legacy ng Obispo ang pagpapatayo ng Fiat House kung saan sa salitang “FIAT”(thy will be done) kanyang ibinatay ang mga programa at proyekto sa pamamahala ng Diocese. Ang lupa na kinatatayuan ng Fiat House na nagsisilbing bishop palace na matatagpuan sa Cavinitan, ay donasyon ng pamilya Sorra.

            Sa panahon ng kaniyang panunungkulan naitayo at napangalagaan ang maraming parokya sa lalawigan. Sa panahon din ng kaniyang paninilbihan, maraming naordenan na pari sa Diocese ng Virac.

            Nailipat siya bilang obispo sa lungsod ng Legazpi noong Marso 1, 1993 at tumagal hanggang 2005.  Noong Abril 2005, siya ay nagretiro bilang Obispo at nanirahan sa retreat center (Bethlehem) sa Sogod, Bacacay, Albay. Siya ang tumatayong Bishop Emeritus sa Diocese ng Legazpi bago binawian ng buhay. Matapos ang vigil na ginanap sa Good Shepherd Chapel sa  St. Gregory the Great Cathedral noong Enero 22-25 dinala na sa lalawigan lalawigan ng Catanduanes ang kanyang physical remains noong Enero 26.

            Pagdating ng ferryboat sa bayan ng San Andres ilang oras siyang nanatili sa San Andres Church dahil sa inialay na welcome holy mass sa namayapang prelate.

            Ayon sa tagamasid maituturing na isa eto sa pinaka-mahabang motorcade na naganap magmula San Andres Church hanggang sa Virac Cathedral. Isang banal na misa ang iniaalay kay Bishop Sorra pgdating ng labi nito sa Cathedral  kasunod ng pagpapatunog ng mga kampana bilang pag-alay ng dasal sa namayapang dating opisyal.

            Simula Enero 26-30, isinagawa ang banal na misa bawat gabi kasunod ng vigil ng mga parishioners galing sa iba’t ibang parokya  sa buong lalawigan. Pinangunahan ni Bishop Delos Santos, mga kaparian, mga kapamilya at kaibigan  ang inialay sa kanya noong Enero 31. Ihinimlay ang kanyang mga labi sa compound ng Virac Cathedral noong Pebrero 1.

            Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay Rev. Fr. Filbert Reyes, Social Communication In-Charge ng Virac Diocese, maituturing na makasaysayan ang kanyang pag-upo sa Catanduanes dahil siya ang unang bumuo ng team sa lalawigan, kung saan nakilala ang Catanduanes sa pagiging religious island.

            Ayon kay Rev. Fr. Butch Buena ng B, hindi pa siya ganap na pari nang maupo ang obispo sa lalawigan, subalit malaki umano ang naging impluwensya at inspirasyon ng Obispo sa paghubog bilang isang nangangarap na maging pari. Tiniwalaan din umano siyang hawakan ang printing press sa Fiat house sa kanyang panunungkulan.

            Isang makasaysayan at makahulugan umano ang pag-upo ng obispo na siyang nagpalaganap at nagpalakas ng katolisismo sa Catanduanes. Hanggang ngayon, sa panahon ni Bishop Manolo Delos Santos ay nananatili umanong buhay at matatag ang pagpapalaganap ng salita ng Diyos na pinasimulan ng dating opisyal ng Diocese of Virac sa kanyang panunungkulan.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.