Virac, Catanduanes – Pormal nang inukupa ng mga vendors sa wet at semi wet section ang kanilang dating pwesto sa Virac Public Market.

            Nitong Miyerkoles, Abril 14, 2021 nang bigyan na ng go signal ni Mayor Posoy Sarmiento ang naturang mga vendors matapos ang ilang buwang pagkakabalam dahil sa sunod-sunod na mga bagyo.

            Matatandaang, Oktubre 2020 nang planuhin ng lokal na pamahalaan ang initial na pagbabalik ng mga ito sa merkado subalit dahil sa sunod-sunod na bagyo, hindi ito natuloy.

            Dalawang beses nagkaroon ng pagpupulong noong isang linggo ang alkalde at mga vendors bago tuluyang ukupahin ang lugar dahil sa ilang regulasyon na dapat sundin ng mga ito.

            Dahil pinapandayan pa ang market code sa Sangguniang Bayan na siyang magtatakda ng renta at iba pang mga polisiya sa pamamahala ng merkado, pansamantalang binigyan muna ng temporary authority ng SB ang alkalde.

            Ayon ka Vice Mayor Arlene Arcilla at market committee chair Rosie Olarte, kailangan nang mag-operate ang merkado sa kabila ng hindi pa tapos ang kabuuan ng gusali dahil may buwanang binabayaran na ang lokal na pamahalaan sa bangko. Bahagi kasi ng pondo rito ay isinailalim sa loan para sa retrofitting sa panahon ni dating alkalde Sammy Laynes at ang ibang bahagi ng patrabaho ay mula sa pondo na inilaan ng DPWH.

            Samantala, bagamat nagkaroon ng kondisyon ang lokal na pamahalaan para sa dalawang (2) buwang deposit na nagkakahalaga ng 4,000 hanggang 5,000 sa renta ng mga vendors, kinunsidera muna ang ilang vendors na hindi pa nakapagbayad ng naturang halaga, subalit dapat mabayaran umano ito sa loob ng isang buwan.

            Siniguro naman ni Mayor Sarmiento na hindi na mauulit pa ang unang practice ng ilang pasaway na tenants na ibinenta o pinaparentahan sa mahal na presyo ang kanilang pwesto. Ayon sa alkalde, lehetimong vendors at matapat na negosyante ang nais nilang makita sa merkado para sa kapakanan ng mga mamamayan.

            Self-discipline naman ang panawagan ng market administrator at Menro designate sa mga vendors lalo’t higit pagdating sa kalinisan. Kooperasyon umano ang higit na kailangan upang mapanatiling kaaya-aya ang lugar.

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.