Virac, Catanduanes – Inilabas ni Municipal Health Officer Elva Joson ang top 10 barangays sa bayan ng Virac na nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng covid-19.
Sa programang Arangkada Virac ng LGU ngayong Sabado pinangalanan ng opisyal ang naturang barangay upang magkaroon ng komprehensibong measure laban sa sakit.
Ito ay pinangungunahan ng Barangay San Isidro Village, 2. Bigaa, 3. Cavinitan, 4. Gogon sentro, 5. Calatagan Tibang, 6. Calatagan Proper, 7. Salvacion, 8. Danicop, 9. Francia, 10. Rawis.
Ayon kay Dr. Joson, sakaling magkaroon na ng test kits ang LGU isasailalim sa random testing ang naturang mga barangay upang mabigyan ng kaukulang atensyon ang pagtaas ng bilang ng kaso sa naturang mga lugar.
Dahil dito, inalarma ng opisyal ang mga Viracnon dahil mas lalo umanong tumataas ang bilang ng kaso sa capital town.
Sa datus, nakapagtala ang bayan ng Virac ng apat (4) na kaso bawat araw simula June 16-30, 2021. Mas mataas aniya ito ng 39 percent, kung ihahambing ang naitala simula June 1-15 na umaabot lamang sa 2.4 na kaso bawat araw.
Aniya, ang patuloy na pagtaas ng kaso ay nangangahulugan na marami pa rin ang hindi sumusunod sa minimum health protocols, kagaya ng social distancing, paghugas ng kamay, paggamit ng disinfectant at alcohol, pagsuot ng face mask at iba pang health protocols.
Ang hawaan umano ngayon ay nandyan na sa mga opisina, establishments at mga kabahayan kung kaya’t dapat aware ang lahat sa mga dapat gawin upang makaiwas sa sakit. Kung gusto umano ng Viracnon na ma-curb ang pagtaas, dapat umano ay 80% ng Viracnon ay sumusunod sa mga protocols.
Hindi lamang umano ito trabaho ng mga health workers, municipal officials at barangay officials kundi ang epektibong kooperasyon at disiplina ng publiko.