Ilang araw bago ang pasko dalawang indibidwal sa magkaibang bayan sa lalawigan ng Catanduanes ang tinapos ang kani-kanilang buhay sa pamamagitan ng pagkitil sa sariling buhay.

Batay sa ulat ng Catanduanes Police Provincial Office, naipaabot sa kanilang mga himpilan ang dalawang magkahiwalay na suicide incidents sa bayan ng Virac at Caramoran.

Nitong nagdaang Biyernes, December 17, isa umanong 59-anyos na lola sa Brgy. Dariao sa bayan ng Caramoran ang naiulat na nasawi matapos magbigti.

Bago ang insidente, ilang beses na umanong tinangkang magpakamatay ng naturang biktima ngunit napipigilan pa ito ng kanyang mga kaanak.

Matapos madiskubre ang katawan, agad itong dinala sa Rural Health Unit para isailalim sa ‘post mortem examination.’

Samantala sa Brgy. Bigaa sa bayan ng Virac, labis-labis ang paghihinagpis ng mga magulang ng 18-anyos na binata mula sa nasabing lugar, matapos na madatnan ng mga itong wala nang buhay ang kanilang anak sa loob ng bahay habang ito nakabitin, mag a-alas tres ng madaling araw kahapon noong Disyembre 17.

Ayon sa mga magulang ng biktima, hindi nila lubos maisip kung ano ang nagtulak sa kanilang anak para kitilin ang sariling buhay lalo na’t wala umanong napansin na kakaiba sa ikinikilos ng biktima.

Sa impormasyon, sinadyang hindi isalaysay ang proseso at pamamaraan ng pagpapatiwakal ng mga biktima, upang hindi makapagbigay ng ideya sa may mga parehong kaisipan.

Paalala ng mga mental health experts sa lahat ng mga taong dumadaan sa ganitong pagsubok, huwag itong hayaang lumalim, hanggat maaari ay ibahagi ang nararanasang problema o saloobin sa kapamilya, kaibigan o mga eksperto upang mapagaan ang nadarama at mabigyan ng tamang payo at nang hindi mauwi sa pagkitil sa sariling buhay. (CatPPO)

Advertisement