GM Tejerero

Virac, Catanduanes – Upang mabawasan ang service water interruption sa tuwing may  malakas na ulan maging iba pang  kalamidad, may ginagawang long-term solusyon ngayon ang Virac Water District (VIWAD).

Ayon kay General Manager Gabby Tejerero, ito ay pitong (7) infiltration system na ilalagay sa mga water sources ng VIWAD para hindi napaparalisa ang suplay ng tubig sa bawat pag-ulan  na kadalasan natatabunan ng mga buhangin at iba pang aggregates ang kanilang mga dams.

Ang infiltration system ay isang malaking tubo na merong 14 inches diameter na siyang ibabaon sa kanilang water sources at hahagod ng tubig sa ilalim at hindi basta bastang mapipinsala ng malakas na agos ng tubig sakaling may pag-ulan.

Sa ganitong paraan magiging tuloy tuloy aniya ang daloy ng suplay ng tubig sa kanilang dam hanggang sa mga kabahayan sa Virac.

Ang pondo ng proyektong ito ay mula sa DPWH sa pamamagitan ni Congressman Hector Sanchez. Ito ay nagkakahalaga ng humigit kumulang 15 milyong pisong proyekto na ayon kay Tejerero awarded na sa kontraktor at posibleng matatapos  ito sa susunod na anim na buwan.

Matatandaang, inulan ng batikos ang tanggapan ng VIWAD kamakailan dahil sa halos tatlong araw na walang suplay ng tubig. Partikular ito sa upper portion ng Virac, kung saan ang water source ay nasa bahagi ng Cawayan area.

Nilinaw ng opisyal kung bakit walang suplay ng tubig sa ilang bahagi ng bayan  sa mahigit sa tatlong araw dahil natabunan ang in-take ng mga malalaking aggregates sa bahagi ng Cawayan source. Hindi umano nila kaagad natrabahuhan dahil sa lawak ng baha sa naturang lugar kung kaya’t ang upper portion ng Virac kasama ang Barangay Bigaa, Cavinitan, Calatagan at SIV ay nawalan ng tubig.

Nitong Disyembre 19, kasama niya ang mga trabahador naghukay ang  humigit kumulang18 tauhan ng VIWAD sa adjacent area  at gumawa sila ng pansamantalang water sources habang kinukumpuni pa ang mga nasirang main source.

Aniya, mahirap makapasok ang excavator sa nasabing lugar kaya’t mga manpower ang gumawa lamang nito. Tinatayang aabutin pa ng mahigit 2-3 linggo para tuluyang maalis ang mga aggregates na nasa loob ng tinatawag na in-take.

Ayon kay GM Tejerero, matapos humupa na ang buhos ng ulan nitong ilang araw,  nagpadala agad ng mga magkukumpuni ang tanggapan sa bahagi ng Cawayan source upang linisin ang bahagi ng in-take.

Pakiusap ni GM Tejerero sa mga netizen na dahan dahan naman sa pagbibigay ng negatibong komento sa social media laban sa kanila dahil tao rin silang nakakaranas ng stress. Wala umanong may kagustuhan sa dumaang malalakas na ulan kaya’t nagiging mahirap sa kanila ang sitwasyon.

Aniya, hindi humihinto ang kanilang tanggapan sa paghahanap ng solusyon dahil matagal  ng panahon ang  problemang ito tuwing tag-ulan.

Samantala, ilang deep well na rin ang naipatayo  nila sa ilang malalaking barangay para makatulong sa suplay ng tubig. Apat (4) sa uptown area at 3 naman sa downtown area ang naipatayo. Aabot aniya sa 6 milyon ang target na pondo sa ganitong proyekto.

Problema pa rin umano ng Viwad dahil isa lamang na 5 cubic meter water tank ang nagsusuplay ngayon na hindi sapat sa 9 na libong consumers. (SAM PANTI)

Advertisement