Virac, Catanduanes – inilatag ng mga nominees ng  Ako Bicol Partylist ang kanilang nakalinyadang plataporma at mga nais isabatas na panukala sakaling makakuha ng sapat na boto ngayong 2022 elections.

Sa isang presscon na isinagawa noong  Disyembre 22, 2021 sa Lucky Hotel, sinabi nina 2nd  at 3rd nominees Atty. Jil Bongalon at Atty. Ramiro Borres na nais nilang bigyang pansin ang pag-rehabilitate ng mga coral reefs sa lalawigan ng Catanduanes dahil kulang na umano ang isdang nabibili  mula sa isla.

Kasabay din umano rito ang pagrehabilitate ng mga mangrove areas dahil malaki umano ang ambag ng mga bakawan sa pagpaparami ng mga isda at malaking tulong din ito para sa malinis na kapaligiran.

Nais rin ng mga nominees na magbuo ng mga kooperatiba para mga mangingisda upang mas mapagtibay at magkaroon ng mga alternatibong mga mapagkakakitaan sakaling dumating man ang masamang panahon.

Maglalagay din umano sila ng mga water supply systems na patatakbuhin ng mga solar panels na para naman sa mga magsasaka.

Ayon kay Atty. Bongalon kasama umano sa mga legacy ng AKB na naisabatas na sa ngayon ay ang mga sumusunod.  Una rito ang National ID System, Anti-Hazing Act, Universal Access to Quality Education, Free Irrigation Act at ang Anti-Bulling Act.

Kaugnay nito, muling hiningi ng  dalawang nominees ang supoprta ng mga Catandunganons upang kanilang maipagpatuloy ang nasimulang adhikain at madagdagan pa ang kanilang matulungan. (Carl Buenafe)

Advertisement