Virac, Catanduanes – Pinapayagan na ang mga sabungan na mag-operate maging ang paglalaro ng basketball sa lalawigan ng Catanduanes.

Ayon kay Provincial Officer Dr. Robert John Aquino ng Department of Health (DOH) may mga kondisyono na dapat sundin para maiwasan ang pinangangamabahang pagkalat ng covid-19.

Aniya, dapat bakunado na ang mga ito at dapat mahigpit na ipatupad ang health protocols sa pagpasok at paglabas ng sabungan.

“Panawagan sa lahat na mga sabungero at basketbolista na kahit pinapayagan na ang sabong at paglalaro ng basketball, kinakailangan pa rin na sumunod ang mga ito sa ipinatutupad na guidelines ng national IATF”, pagbibigay diin ng opisyal.

Ayon kay Aquino, kailangan umanong fully vaccinated ang mga papasok sa sabungan at mga manlalaro. Ang mga hindi pa umano bakunado ay kailangan magpabakuna na upang sila ay makalahok sa kanilang matagal ng pinapangarap na laro.

Unang pinayagan na mabuksan ang mga sabungan sa bayan ng Bato at Panganiban na ikinatuwa ng mga sabungero na matagal ng nananawagan na buksan ang naturang laro. 

Kaugnay nito, nagpasalamat si Aquino sa mga Local Government Units (LGUs) at mga may-ari ng sabungan na mahigpipt na sumusunod sa mga guidelines.

Samantala, dahil sa pagluwag na ng sitwasyon, may plano naman ang DOH na maglunsad ng inter-municipality summer camp basketball at volleyball tournament sa susunod na buwan. (Carl Buenafe)

Advertisement