Masbate City – Kaugnay ng pagsisimula ng election gun ban, isa ang naaresto sa probinsya ng Masbate mula sa humigit kumulang 120 checkpoints na inilunsad ng PNP-Bicol at COMELEC.

Batay sa report ng Masbate Police Provincial Office (MPPO), makalipas ang labing limang (15) minutong “launching ng simultaneous COMELEC Checkpoint” dakong alas 12:15 noong Enero 9, 2022 ay nakatanggap ng sumbong ang kapulisan mula sa isang concerned citizen patungkol sa isang sibilyan na kanyang nakitang may dalang baril.

Tinukoy ang suspek na si Joem Oliva y Bisnar, 38 anyos, may asawa, walang trabaho at residente ng Brgy. Daplian, San Fernando, Masbate.

Ayon sa nakalap na impormasyon, pumasok umano ang suspek sa isang bar sa Sitio Cagas, Brgy. Calipat-an, San Jacinto ng nabanggit na probinsya at iniwan ang kanyang baril sa counter ng nasabing establisyemento. Ito naman ang nag-udyok sa may-ari ng bar na sumangguni sa mga pulis sa Checkpoint.

Nakumpiska kay Oliva ang kalibre .45 pistola. Nang ito ay hingan ng mga otoridad ng kaukulang dokumento ay wala itong maipakita.

Agad namang inaresto ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 kaugnay ng Omnibus Election Code sa ilalim ng COMELEC Resolution No. 10728.

Ang pagkakahuli sa suspect ay patunay nang agresibong implementasyon ng COMELEC gun ban.

Inaasahan rin na sa mga susunod na araw, mas hihigpitan pa ng kapulisan katuwang ang COMELEC, kasundaluhan, at iba pang force multipliers ang pagpapatupad ng gun ban sa buong rehiyon.

Kaugnay nito, nanawagan ang pamunuan ng PNP sa rehiyon na makipagtulungan sa kanilang kampanya upang maiwasan ang posibleng pananamantala ng mga may maitim na balak ngayong halalan.

“Sa panahon ng election, amin po na hinihingi ang kooperasyon ng bawat mamamayan upang maiwasan ang mga aberya sa kalsada at para mas mapadali ang trabaho ng ating mga kapulisan. Ang hakbang na ito ay isang malaking tulong para gawing isang mapayapa ang eleksyon 2022 kaya po magtulungan tayong lahat para sa kapakanan ng ating bayan”, ayon kay PNP Regional Director JONNEL C ESTOMO. (Kasurog)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.