PHO photo

Virac, Catanduanes – Target ng Department of Health (DOH) at Provincial health Office (PHO) ang 44,225 populasyon ng mga kabataan na mabakunahan laban sa mapanganib na Covid-19 sa lalawigan ng Catanduanes.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Hazel Palmes, importante ang pagbabakuna sa mga kabataan bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng face-to-face classes.

Sinimulan noong Pebrero 21 sa lalawigan ng Catanduanes ang pagbabakuna sa mga batang edad 5 hanggang 11 na pinangunahan ng provincial DOH kaagapay ang mga local government officials.

Sabay-sabay na isinagawa ang ‘Resbakuna Kids’ sa Catanduanes State University Gymnasium, Virac Town Center, at Virac Sports Center kung saan 300 bata bawat vaccination site ang nagging misyon sa unang araw ng Resbakuna.

Unang nabakunahan sa CatSU Gymnasium ang isang batang lalaki na 10 taong gulang kung saan sinabi ng ina nito na ang kanyang anak mismo ang may kagustuhang mabakunahan upang magkaroon ng proteksiyon laban sa Covid-19 at makapaghalubilo nang muli sa kanyang mga kaibigan.

Nagkaroon din ng ceremonial vaccination sa CatSU gymnasium kung saan dinaluhan ito ng mga local na opisyal, mga inimbitahang pediatric doctors at mismong Dr. Ernie Vera, ang Regional Director ng DOH Bicol.

Samantala, posibleng ang lalawigan ng Catanduanes ang unang magkamit ng ‘herd immunity’ sa buong Bicol ngayong taon sakaling maabot ang target.

Sa kanyang naging mensahe sa ceremonial launching ng “Resbakuna Kids” sinabi ni  DOH-Bicol Regional Director Dr. Ernie Vera na batay sa kanilang hawak na datus sa DOH regional office, ang Catanduanes ang ‘leading’ o nangunguna sa roll out ng bakunahan sa rehiyon.

Bunsod nito, nagpahayag ng pasasalamat ang opisyal sa lokal na pamahalaan at sa lahat ng mga tumutugon sa panawagan ng ahensya na mabakunahan ang mayorya sa populasyon ng isla.

Sa ngayon, nagpapatuloy  ang vaccination roll out sa iba’t-ibang panig ng Catanduanes sa tulong ng mga LGUs, Rural Health Units at mga barangay officials. (BPFM87.9 NEWS)

Advertisement