Virac, Catanduanes – Dapat umanong makarating sa Korte Suprema ang isyu hinggil sa mga oversize campaign materials sa mga pribadong kabahayan.
Ayon kay Atty. Maico Julia ng Comelec Virac mas magandang maihain ang reklamong ito sa korte para madesisyonan ng maaga at makatulong sa natitira pang campaign period lalo na sa local level.
Matatandaang, ilang tauhan ng PNP at Comelec ang pinagtatanggal ang mga malalaking tarpaulin ng isang kandidato sa loob ng private property, bagay na inalmahan ng ilang kandidato.
Inireklamo rin ito ng iba pang mga presidentiables. Sa ruling ng Comelec sa kaso ng Team Patay at Team Buhay sa Bacolod diocese noong 2015, kinatigan ng korte ang simbahan na hindi labag sa Comelec guidelines dahil ang nakapalaman sa tarpaulin ay sakop umano ito ng freedom of expression. Hindi umano dapat restricted sa sizes dahil hindi naman ito personal na kandidato.
Ayon kay Atty. Julia, merong Comelec policy na nagbabawal sa mga posters na wala sa designated areas ng Comelec.
Nagbigay naman ng reaksyon si Atty. Julia sa isang insidente ng pagbaklas ng mga tarpaulins sa loob ng bahay at volunteer headquarters.
Meron umanong mali sa nangyaring panghalughog ng mga tauhan ng Comelec sa Isabela dahil tila hindi binigyan ng abiso bago ito tanggalin sa pribadong lugar. Dapat umanong inabisuhan muna ang mga pribadong individual bago tinanggal ang mga campaign materials.
Magkaganun pa man, ayon kay Atty. Julia, ipapatupad nila sa bayan ng Virac ang makataong hakbang sa pagbaklas ng mga campaign materials bilang paggalang sa karapatan ng mga pribadong individual. Bibigyan umano nila ng verbal o written notice ang mga ito bago ipatupad ang nararapat na hakbang. (BP News team)