Virac, Catanduanes – Muling isasagawa sa lalawigan ng Catanduanes ang Civil Service Examination (CSC) ang Sub-professional at professional examinations sa Hunyo 19, 2022.

Ayon kay Regional Director Daisy Punzalan Bragais simula Abril 12-25 isasagawa ang pagtanggap ng mga aplikasyon upang bigyang daan ang mga nais pumasok bilang kawani ng pamahalaan.

Ikinagalak ng opisyal ang naging matagumpay na eksaminasyon noong Marso 13 sa lalawigan bagamat merong ilang hindi nakakuha ng pagsusulit dahil sa lakas ng ulan. 

Lubos na nagpapasalamat ang Civil Service Commission (CSC) Catanduanes Field Office maging CSC Region 5 dahil sa matagumpay na Requested Career Service Examination.

Batay sa datus, may kabuuang 1,226 examinees ang kumuha ng pagsusulit para sa  Pen and Paper Test (CSE-PPT).

Lubos na pinasalamatan ng CSC ang mga pampublikong institusyon na nagbukas ng kanilang mga pinto upang magsilbing testing venue.

Kasama sa pinasalamatan ang mga  pamunuan ng Catanduanes State University (CatSU) sa pamumuno ni President Dr. Patrick Alain T. Azanza, at Catanduanes National High School (CNHS) sa pangunguna ni School Principal Amelia R. Eusebio.

Maliban dito, pinasalamatan din ng opisyal ang lahat na ahensya ng pamahalaan, mga administrador ng pagsusulit, maging mga kawani na tumulong sa paghahanda para maisakatuparan ang pagsusulit.

 Ang Marso 2022 CSE-PPT examination ay hindi umano magiging possible kung wala ang solidong suporta ng pamahalaang Panlalawigan ng Catanduanes sa pamamagitan ng Civil Service Catanduanes field office. (Geraldine Magdaraog/Shannon Traquena)