Virac, Catanduanes – Dahil sa pagdedma ng mga may-ari ng lupa sa kanilang obligasyon sa Real Property Taxes (RPT), inanunsyo ng Provincial Treasure’s Office (PTO) na isasailalim na nila sa auction sale ngayong buwan ng Setyembre ang umaabot sa 100 na lupa mula sa apat (4) na bayan sa lalawigan ng Catanduanes.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko 87.9BP-FM kay Ginoong Senen Razal ng PTO, naipublish na umano sa lokal na pahayagan at nabigyan na ng notice ang mga may-ari ng lupa kung kaya’t wala ng hadlang para isailalim ang mga ito sa subasta o auction sale.
Batay sa datus ng PTO, umaabot na sa 300 na mga lupa ang nasa delinquency sa buong lalawigan at pasok na ang mga ito sa auction sale status. Sa kanilang research halos simula pa umano sa taong 1971 ang moroso ng ilan sa mga lupang ito na malaki na lumubo na ang bayarin sa buwis.
Apat na munisipyo na umano ang nakapagsumite ng listahan para isasailalim sa auction sale, kung saan 25 properties bawat munisipyo ang magiging priority. Ang mga ito ay mula sa mga bayan ng Viga, Caramoran, San Miguel at Gigmoto. Dahil nasa warrant of levy na umano ang mga lupang ito, hindi na pwedeng galawin sa pamamagitan ng pagbenta, mortgage maging donasyon.
Kaugnay nito, muling inabisuhan ng PTO ang mga may-ari ng lupa na nasa delinquency status na makipag-ugnayan sa mas lalong madaling panahon sa kanilang tanggapan upang mabigyan ng iba pang guidance bago pa ang itinakdang pagsubasta sa mga ito. (FB)