Virac, Catanduanes –Inaksyunan na nang tanggapan ng PNP Chief ang sulat na ipinadala ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Catanduanes Chapter sa pangunguna ni IBP President Ramil Tamayo hinggil sa serye ng patayan sa lalawigan ng Catanduanes, partikular ang nangyaring pamamaslang kay Viga MSWD officer Carmel Eubra.

Kaugnay nito, nagpadala na nang direktiba si PNP Director for Investigation and Detective Management Police Major Gen. Omega Jireh Fidel sa pamunuan ng PNP Region 5 para sa agarang aksyon ng naturang reklamo.

“ Please be informed that your letter was received by the office of the PNP Chief, on June 16, subsequently referred to the Directorate”, bahagi ng sulat ni Fidel.

“Relative to this, the Regional Director, PNP Region 5 was directed to take appropriate action on the said request and make a reply directly to you on the result of their action taken” dagdag pa ng opisyal kalakip ang memorandum na pinadala sa tanggapan ng pamunuan ng PNP sa rehiyon.

Ikinagalak ng pamunuan ng IBP ang agarang aksyon ng PNP national at ang kautusan na agarang bigyang pansin ang naturang problema.

Matatandaang, kinondena ng integrated Bar of the Philippines (IBP) Catanduanes Chapter ang pagkamatay ng MSWDO kasama na ang hindi nareresulbang mga kaso ng patayan sa lalawigan.

Sa kanilang ipinalabas na official statement na pirmado ng dalawamput pitong (27) mga aktibong opisyal at miyembro ng IBP Catanduanes, inihayag ng mga ito ang kanilang tahasang pagkondena partikular ang pamamaslang kay Municipal Social Welfare Development Officer (MSWDO) Carmel A. Eubra noong May 24, 2022 sa Ocean view, San Isidro village, Virac, Catanduanes.

Kasabay nito, hiningi ng grupo ang seryuso, tapat at malawakang imbestigasyon mula sa hanay ng mga otoridad, partikular sa Philippine National Polce (PNP).

“We enjoin law enforcement agencies to conduct serious, honest and thorough investigation on the death of Carmel A. Eubra and those unsolved killings in the province of Catanduanes, so that, the perpetrators will finally brought to justice and such atrocities will not be repeated nor tolerated. Justice delayed, justice denied”, bahagi ng pahayag ng IBP Catanduanes.

Ang naturang kalatas ay pirmado sa pangunguna ng IBP Governor for Bicolandia Atty. Jose Ativagos, Jr. , Atty. Gil G. Taway IV, over-all deputy director for IBP-CBD, IBP Catanduanes President Atty. Ramil Joselito B. Tamayo, Secretary Atty. Allan S. Zuniega, treasurer Atty. Jocelyn Abines, auditor Atty. Gilbert T. Suarez, public relation officer Atty. Norlito P. Agunday, Jr., kasama na ang mga broad of directors na sina Atty. Gregorio Sarmiento, Jr. , Atty. Rene M. Velasco, Atty. Michevelli M. Samonte,  at mga miyembro nito sa pangunguna nina Mayor Sinforoso Sarmiento, Jr. ng Virac at San Andres Vice mayor at Mayor-elect Leo Mendoza.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay IBP President Tamayo, mariing umapela ito sa  pamunuan ng PNP sa lalawigan na matuldukan na ang naitatalang patayan at masampolan kahit isa sa mga perpetrators dahil tila hindi na matatawag na happy island ang isla dahil sa pang-aatake ng tinatawag na riding in tandem.

Ayon sa opisyal, nangyari ang pirmahan ng naturang manifesto sa isinagawang testimonial dinner ng siyam (9) mula sa mahigot 30 mga bagong nakapasang abogado noong Hunyo 11 na dinaluhan ng panauhing pandangal na si IBP President for Bicol na si Atty. Ativagos.

Maging ang mga bagong abogado ay nakiisa at naghayag ng kanilang saloobin dahil tila hindi na ligtas ang dating matahimik na isla sa rehiyon.

Sinabi ni Atty. Ativagos na dapat hindi matulad sa kanilang lalawigan ng Masbate ang tinaguriang “Happy island” na tila normal na ang nangyayaring patayan.

Kabilang sa mahabang listahan ng mga biktima ng riding in tandem sa lalawigan ay sina dating Asgad Punong Barangay at empleyado ng Doctor’s hospital na si Leah Vallespin na binaril noong Pebrero 8, 2021 habang papauwi sa kanilang bahay sa pagitan ng Barangay Bislig at Barangay Codon, San Andres, Samuel Besa, Jr. na binaril ng riding in tandem sa kanyang sasakyan noong Enero 8, 2020 sa barangay Sta. cruz, Virac Engr. Jesus Albaniel na binaril ng riding in tandem sa highway ng Barangay Francia, Virac, Marcus Besa, kapatid ni Samuel na binaril sa kanyang sasakyan noong Disyembre 6, 2019 sa barangay Sta. Cruz at ang negosyanteng si Larry Que taong 2016 sa tapat ng LTO Virac.

Dahil sa mga pangyayari, dinulog ng IBP ang naturang usapin sa Chief PNP upang mabigyan ng kaukulang atensyon.

Sa ginawang inagurasyon at turn-over ng mga bagong halal na opisyal ng lokal na pamahalaan ng Virac, inilahad dito ang kakaharaping challenges ng mga bagong opisyal, kasama na ang halos limang kaso na nang patayan sa capital town na halos wala pang salarin na napapanagot sa kabila ng limang milyong ponding inilalaan ng LGU sa PNP Virac.

Nitong nakaraang linggo, nagkaroon na nang courtesy call ang pamunuan ng PNP Virac sa tanggapan ni Mayor Sammy Laynes at napag-usapan ang usapin hinggil sa pase orden sa capital town. Umaasa naman ang alkalde na magkakaroon ng bunga ang pagtutulungan ng PNP at ng lokal na pamahalaan. (FB)

Advertisement