Virac, Catanduanes – Nagpahayag ng pagkadismaya ang pamunuan ng Provincial Health Office (PHO) sa mahinang kooperasyon ng mga Catandunganon sa booster dose campaign na mas kilala sa tawag na PinasLakas.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko 87.9 kay Provincial Health Officer Dr. Hazel Palmes  sinabi nitong  lukewarm o mahina ang kooperasyon ng mga mamamayan sa kanilang isinasagawang pagbabakuna sa kabila ng kanilang massive campaign.

Paalala ng opisyal, dapat malaman umano ng taong bayan na hindi pa tapos ang banta ng covid-19 dahil patuloy pa ang pagkakaroon ng mga aktibong kaso.

Sa pinakahuling datus, ang mga may edad na 12-17 ay may pinakamahinang nababakunahan dahil nasa 13% (3,312) pa lamang mula sa target na 24,692.

Sa edad na 18-59 nasa 31% pa lamang samantalang ang senior citizen ay nasa 44% na. Ang Catanduanes ay merong 50% target para sa PinasLakas o katumbas ng 96,953 mula sa kabuuang 187,975 target population.

Nitong biyernes, Setyembre 2, 2022, nasa 49% pa lamang umano ang kanilang nababakunahan simula ng ilunsad ang PinasLakas nitong nakaraang dalawang linggo.

Halos sinuyod ng PHO, DOH at RHUs personnel ang mga tanggapan ng pamahalaan maging pribadong mga establisemento upang gawin ang pagbabakuna. Bagamat marami naman ang nagpabakuna, hindi pa umano ito sapat sa target ng kanilang misyon.

Kaugnay nito, muling nanawagan si Dr. Palmes sa mga mamamayan na makipagtulungan sa pamahalaan upang mapalakas ang immunity sa nakamamatay na covid-19. (Ferdie Brizo)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.