Virac, Catanduanes – Naniniwala si Regional Director Edgar Jubay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maidedeklarang drug cleared ang lalawigan ng Catanduanes.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko, sinabi ni RD Jubay  na mula sa 315 barangay na bumubuo sa isla,  meron na lamang labing dalawang (12) barangay ang natitirang under validation ng komitiba, at kung makakapasa ang mga ito, maidedeklarang “drug cleared” na ang Catanduanes.

Nilinaw ni Jubay na “drug cleared” ang magiging tawag sa deklarasyon at hindi “drug free” dahil dati ng infested ng droga ang marami sa mga barangay sa isla.

Napag-alamang siyam sa bayan ng Virac ang isinasailalim pa sa validation, isa sa Pandan at dalawa sa bayan ng Caramoran.

Sakaling matugunan umano ng mga kinauukulang ahensya maging ang lokal na pamahalaan, sinabi nitong ang Catanduanes ang pinakaunang makakakuha ng naturang titulo sa rehiyon.

Sa Catanduanes, suwestyon ng opisyal ang activation ng mga “Bantay Dagat” sa bawat bayan at nais umano nilang magkaroon ng collaboration sa pamamagitan ng training upang maisama sa kampanya hindi lamang ang illegal fishing kundi ang illegal na droga.

Sa update hinggil sa naging makontrobersyal na drug laboratory sa Catanduanes na pumutok noong 2016, kinumpirma nito na nagpapatuloy pa ang pagdinig sa kaso at binabantayan pa rin ang lugar maging mga kagamitan nito.

Isa sa dahilan umano kung bakit nakapasok ang mga paraphernalias ng naturang laboratory ay dahil sa laxity sa monitoring sa mga pantalan. Posible umanong pira-piraso ang pag-transport ng mga ingredients kung kaya hindi natunugan ng mga law enforcers.

Samantlaa, sa level ng infested ng droga sa rehiyon, nangunguna umano ang Camarines sur dahil sa laki ng populasyon, Albay, Cam norte, Masbate, 2nd to the last ang Catanduanes at ang Sorsogon ang pinakahuli.

Sa kabila nito, itinuturing umano na nasa  critical stage pa rin ang Bicol Region pagdating sa droga distribution dahil sa accessibility nito sa mga katabing rehiyon, kagaya ng Region 4-a area, Visayas area, Mindanao, dahil sa mga pantalan ng Matnog port, Tabaco at Camarines sur area.

Kaugnay nito, binubuo umano nila ang stratehiya na magkaroon ng mahigpit na monitoring sa mga pantalan upang maiwasan ang pagpasok ng mga epektos  o mga ingredients. Kasama dyan ang dagdag na tauhan at mga k-9 units.

Sa issue hinggil sa mga nasasangkot na mga tauhan ng PDEA, sinabi ni RD Jubay na nagkakaroon sila ng cleansing at background investigation sa kanilang mga tauhan upang maiwasan na maligaw ang mga ito ng landas. (Ferdie Brizo)

Advertisement