Virac, Catanduanes – Inilipat na nitong Marso 17, 2023 ang mga labi ng tinaguriang  “The Longest Filipino living Cardinal” na si Jose Tomas Sanchez sa Virac Cathedral mula sa Novaliches Cathedral-The Good Shepherd Shrine sa Quezon City.

Ito ay kasabay sa kanyang ika-103 kaarawan na dinaluhan ng mga kaparian sa maging iba’t ibang sector at local officials sa lalawigan ng Catanduanes.

Nakasaad sa Diocesan Circular no. 08 s. 2023 ang pagbibigay pugay ng Diocese of  Virac sa pangunguna ni Bishop Manolo A.  Delos Santos dahil sa pagiging instrumento ng Cardinal sa pangangalaga sa bokasyon ng mga kaparian sa lalawigan.

Si Cardinal Sanchez ang nagtatag ng Scholarship Foundation para sa mga seminaristang tubong Pandan, Catanduanes na nagnanais pumasok sa pagiging pari.

Una nang hiniling ni Bishop Delos Santos kay Novaliches Bishop Roberto Orendain na mailipat sa lalawigan ang mga labi ni Cardinal Sanchez bilang pagkilala sa pagiging dugong Catandunganon nito na nagbigay ng malaking karangalan sa Diocese.

Noong Marso 15, isinagawa ang ‘exhumation’ ng mga labi ni Cardinal Sanchez, kasunod ang isinagawang farewell mass sa Novaliches Cathedral na dinaluhan ng ilang kaparian mula sa lalawigan ng Catanduanes.

Pagdating nito sa San Andres Port noong Marso 16, isinagawa ang welcome rites at motorcade patungong Virac na sinalubong ng iba’t ibang sector maging mga local officials.

Noong Marso 17, isinagawa naman ang procession sa Virac Poblacion kasunod ang Requiem mass at Re-interment sa Virac Cathedral.

Si Cardinal Sanchez ay pinanganak noong Marso 17, 1920 sa bayan ng Pandan. Ang kanyang mga magulang ay sina  Patricio Sánchez and Paz Tomás at siya ay ikawalo sa sampung magkakapatid.

Bago naging pari, pangarap sana umano ni Sanchez ang maging isang enhenyero. Halos hindi na sana umano siya makakapagpatuloy ng pagpapari matapos sakupin ang Pilipinas ng Imperial Japan, kung saan pansamantalang isinara ang seminaryo matapos pumutok ang Second World War. Dahil sa kanyang mga kaibigan, muli siyang nahikayat na magpatuloy ng bokasyon.

Nag-aral si Sanchez sa seminaryo sa  Holy Rosary Seminary (then named Seminario del Santísimo Rosario) sa  Naga City at na-ordinahan bilang pari noong May 12, 1946 sa lalawigan ng Sorsogon. Natapos niya ang doctorate degree in theology sa University of Santo Tomás of Manila.

Kasunod nito, hinirang siya bilang Auxiliary Bishop ng Nueva Caceres noong Pebrero 5, 1968. Noong 1971, itinalaga naman siya bilang Coadjutor Bishop ng Lucena at kasunod nito nahirang bilang Bishopric ng Lucena taong 1972.

Noong Hunyo 28, 1991 itinalaga siya bilang cardinal, kung saan naging Archbishop siya sa Nueva Segovia. Sumunod na taon, nagresign siya bilang Archbishop ng Nueva Segovia, subalit, makalipas ang tatlong araw itinalaga siya bilang Prefect ng Congregation for the Clergy and President of the Administration of the Patrimony of the Apostolic See bago hinirang bilang pinakaunang Filipino Cardinal at mataas na opisyal sa Roman Curia.

Taong 1991, itinaas siya ng dating Santo Papa at ngayon Saint John Paul II bilang 5th Filipino sa College of Cardinals. Nagretiro siya sa naturang pwesto noong June 1996.

Siya rin ang itinuturing na “the longest Filipino living Cardinal” sa bansa, subalit walong (8) araw bago ang kanyang birthday, sumakabilang buhay siya noong Marso 9, 2012 sa edad na 91 dahil sa multiple organ failure.

Samantala, inalala naman ng ilang pari ang kanilang naging encounter sa namayapang cardinal, partikular ang mga pari mula sa Pandan na naging inspirasyon sa kanilang pagpasok sa seminaryo.

Ayon kay Rev, Fr, Paul Isorena sa isang homily, minsan siyang natanong ng cardinal noong magtungo siya sa Legazpi City kung nais nitong pumasok sa seminaryo. Naging alaala niya umano ang mga tinuran ng cardinal hanggang matulungan siya sa pamamagitan ng foundation at tuluyang naging isang ganap na pari.

Inalala ni Fr. Isorena ang pagiging mabait at banal ng cardinal na nagbigay ng malaking motibasyon sa kagaya niyang nagpursige sa naturang bokasyon.

Batay sa talaan ng bilang ng mga pari sa lalawigan ng Catanduanes, lumalabas na ang bayan ng Pandan ay may pinakamaraming bilang ng  pari sa Diocese of Virac.

Dahil dito, ipinagpasalamat ni Bishop Manolo Delos Santos kay Cardinal Sanchez ang malaking bahagi ng bokasyon ng mga pari sa lalawigan ng Catanduanes. Mula sa pagiging ordinaryong pari at dahil sa kanyang pagiging masigasig, naging kinatawan siya ng bansa at ng lalawigan ng Catanduanes sa pamunuan ng katoliko sa Rome, Italy. (Bicol Peryodiko News Team)

Advertisement