FB Eye | By: Ferdinand M. Brizo || Sa panahon ngayon, malaya tayong magpahayag sa social media, pero hindi ito lisensya para bastusin ang iba. Recently, a Viganon content creator has been repeatedly using a derogatory term linking Catanduanes to a female genitalia—an act that deeply offended many, including DOST Provincial Director Grace Molina.
Ayon kay Molina, hindi siya laban sa lahat ng nilalaman ng nasabing vlogger, pero ang araw-araw na paggamit ng salitang iyon ay hindi na nakakatawa—ito’y tahasang pambabastos sa kababaihan ng Catanduanes. Bilang miyembro ng LGBT community, masakit para sa kanya ang ganitong mga salita—lalo na siguro para sa mga kababaihang direktang naaapektuhan nito.
May mga batas na nagpoprotekta sa mga biktima ng ganitong klaseng pananalita. Republic Act No. 9710 o Magna Carta of Women ay naglalayong itaguyod ang dignidad ng kababaihan at protektahan sila mula sa anumang uri ng diskriminasyon. Samantala, ang Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act (Bawal Bastos Law) ay nagpaparusa sa mga mapanirang pahayag na nagpapahiya sa isang grupo batay sa kasarian, lalo na sa social media.
Bukod dito, ang Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ay may probisyon laban sa cyber libel, na nagpapataw ng mabigat na parusa sa sinumang gumagamit ng internet upang manira ng pangalan ng iba. Kapag ang isang content creator ay patuloy na gumagawa ng mapanirang content, maaari siyang makasuhan at mapanagot sa ilalim ng batas na ito.
Freedom of speech is not absolute. Ang paggamit ng malisyosong salita upang libangin ang iba ay hindi katatawanan—ito ay isang anyo ng gender-based violence na maaaring magresulta sa legal na aksyon. Ang pagiging influencer ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng maraming followers, kundi kung paano mo ginagamit ang iyong platform nang may responsibilidad.
Kaya’t isang babala ito sa lahat ng content creators: Huwag gawing biro ang dignidad ng iba. Kung hindi mo iniisip ang epekto ng iyong mga sinasabi, huwag kang magulat kung isang araw ay hahabulin ka ng batas.
Social media should be a platform for inspiration, not degradation. Instead of spreading offensive content, why not use your influence to educate, empower, and uplift others? Tandaan, ang batas ay hindi natutulog. (Bicol Peryodiko Newspaper Weekly)