Virac, Catanduanes – Mariing iginiit ni PBM Jose Sonny Francisco na hindi sila nagkulang sa impormasyon para sa ginawang konsultasyon bago maisabatas ang pagtaas sa valuation ng Real Property Tax (RPT) sa buong lalawigan ng Catanduanes.
Ayon kay Francisco, bilang committee chair ng public information, lahat na kinakailangang ahensya ay napadalhan umano ng sulat para sa deliberasyon ng panukala na isinagawa noong Abril 5, 2017 sa SP session hall. Kasali sa mga inimbitahan ay ang mga alkalde, bise alkalde, sangguniang bayan members, assessors at iba pang kinauukulan.
Maging silang mga miyembro ng SP umano ay nagpahayag ng opposition sa panukala ng mga opisyal ng assessors, subalit iginiit na masydo na umanong long overdue ang pagtaas dahil taong 2013 pa ang pinakahuling adjustment.
Aniya, matapos ang public hearing, anim na buwan pa umanong pinakomento ng committee on ways and means sa mga alkalde at iba pang mga concerned agencies para alamin kung ano ang reaksyon ng mga ito sa naturang hakbang, subalit walang nagbigay ng reaksyon. Sa naging pagdinig, tanging si bise alkalde Odilon Pascua ng Bagamanoc umano ang nagpahayag ng pagtutol sa panukala.
Nitong nakalipas na linggo, nang sagutin ni Francisco sa programang SP sa DWFB ang naging panayam kay alkalde Sammy Laynes ng Virac sa programang Go Shine Virac hinggil sa naturang pagtaas dahil maging sila ay hindi umano nakonsulta ng assessors bago nagkaroon ng rekomendasyon sa SP.
Samantala, pinuna naman ng ilan ang attendance ng SP sa naging pagdinig sa panulala kung saan, walang naimbitahan sa panig ng pribadong sector, partikular ang panig ng taxpayers na siyang pangunahing maapektuhan ng naturang pagtaas.
Matatandaang, nitong nakalipas na Disyembre 2018, ipapatupad na sana ang pagtaas sa babayarin sa RPT, subalit tumutol dito ang mayor’s league dahil sa timing lalo pa’t masyado umanong mataas ang naging adjustment.
Kaugnay nito, hiniling ng mga alkalde na magkaroon ng moratorium sa implementasyon ng ordinansa na kaagad namang kinatigan ng SP. Dahil dito, inaprubahan ng SP ang panukala na ngayong 2019 hindi muna ipapatupad ang pagtaas sa babayarin sa RPT, bagay na ikinatuwa ng mga alkalde.