Aprubado na sa committee level ng House Committee on Public Works and Highways ang panukalang batas para sa pagtatayo ng Camarines Sur–Catanduanes Inter-Island Connectivity Project, na naglalayong magdugtong sa Catanduanes at mainland Bicol sa pamamagitan ng isang inter-island bridge.
Ang panukala, na inihain ni Rep. Leo Rodriguez, ay nakapaloob sa House Bill No. 8049, na may pamagat na “An Act Providing for the Construction of the Camarines Sur-Catanduanes Inter-Island Connectivity Project, and Appropriating Funds Therefor.”
Sa kanyang pahayag sa committee hearing, binigyang-diin ni Rodriguez ang kahalagahan ng proyekto para sa isang island province gaya ng Catanduanes, na lubos na umaasa sa sea at air transport para sa pagbiyahe ng mga tao at paghahatid ng mga produkto at serbisyo.
Ayon sa mambabatas, nagiging malaking hamon ang transportasyon sa pagitan ng Catanduanes at mainland Bicol, partikular kapag masama ang panahon at humaharap ang lalawigan sa mga bagyo. Ang limitadong air travel at mapanganib na kondisyon sa dagat ay maaaring makaapekto sa paggalaw ng mga residente, kalakalan, delivery ng pangunahing pangangailangan, at maging sa mabilis na pagtugon sa panahon ng kalamidad.
“Matagal ko na itong panukala at isinulong natin ito simula pa noong unang termino natin,” ani Rodriguez, habang binigyang-diin na ang proyekto ay hindi lamang tungkol sa imprastraktura kundi tungkol din sa pag-uugnay ng mga pamilya, komunidad at ekonomiya ng Catanduanes at mainland Bicol.
Kapag naisakatuparan, inaasahang magbibigay ang proyekto ng mas maaasahan at mas abot-kayang transportasyon para sa mga Catandunganon at iba pang Bicolano. Maaari rin itong magpalakas sa turismo, magbukas ng karagdagang oportunidad sa trabaho, mapabilis ang paggalaw ng mga produkto at makapag-ambag sa pangkalahatang socioeconomic development ng rehiyon.
Mahalaga rin ang proyekto sa disaster response at humanitarian operations, dahil maaari itong magsilbing alternatibong connectivity route para sa evacuation, relief distribution at paghahatid ng emergency assistance kapag naaantala ang sea at air transportation.
Sa committee hearing, kinumpirma ni Engr. Arie L. Peñaranda ng DPWH Planning Service ang inilaan na pondo para sa feasibility study ng proyekto. Nakapag-secure umano ng ₱2.4 milyon para sa 2025 at ₱86.8 milyon para sa 2026 para sa feasibility study.
Inihayag din ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapadala ng technical team mula sa Central Office upang magsagawa ng kinakailangang inspection at technical assessment sa Catanduanes bilang bahagi ng proseso ng feasibility study.
Matapos ang deliberasyon, inaprubahan ng committee ang panukala, subject to the submission of the required documents.
Para kay Rodriguez, ang Camarines Sur–Catanduanes Friendship Bridge ay isang pangmatagalang investment sa connectivity, disaster resilience at economic development ng Catanduanes at mainland Bicol.
Hindi lamang tulay ang nakikitang proyekto rito, kundi isang bagong koneksyon na maaaring maglapit sa mga pamilya, magpabilis sa daloy ng kalakal at serbisyo, at magbigay ng mas matatag na ugnayan sa pagitan ng Catanduanes at ng buong Bicol region. | Richard Santiago Bicol Peryodiko Integrated news
Home Bicol Peryodiko News Friendship Bridge, Aprubado na sa Committee Level ng House of Representatives
Friendship Bridge, Aprubado na sa Committee Level ng House of Representatives
Advertisement






















