BARAS/CARAMORAN, CATANDUANES – Dalawang bata ang patay sa magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa nakaraang semana santa; isa ay tatlong-taong gulang mula sa barangay ng Guinsaanan sa Baras, samantalang pitong taong gulang naman ang nasawi mula sa bayan ng Pandan.

Sa report ng pulisya, mag-a-ala-una noong Martes Santo nang malunod sa dagat ng Guinsaanan ang nasabing 3-year old boy matapos umano itong mapabayaang magtungo sa dagat. Natagpuan ito ng isang concerned citizen na wala nang malay. Sinubukan itong i-revive ni Police Corporal Antonio Abiness III ngunit kalaunan ay namatay din ito matapos maisugod sa pagamutan.

Biyernes Santo naman, dakong ala-sais ng gabi nang malunod sa Sitio Toytoy ng barangay Palumbanes ang pitong taong gulang na batang lalaki mula sa Barangay ng Libod sa Pandan.

Sa ulat ng pulisya, napabayaan din umano ng mga kaanak ang nasabing paslit at nagtungo ito sa dagat kasama ang mga pinsan. Tinangay umano ng malakas na ragasa ng tubig-dagat ang biktima hanggang sa ito ay malunod sa malalim na bahagi ng dagat. Na-rescue naman ito ng mga sumaklolong residente, naitakbo pa sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay.

Advertisement