BATO, CATANDUANES – Apat na armadong kalalakihan na pawang residente ng Masbate ang naharang sa isang COMELEC checkpoint pasado ikawalo ng gabi noong nakaraang Martes Santo.
Ayon sa Bato Police, isang suplong ang kanilang natanggap tungkol sa umano’y presensiya ng isang armadong grupo na nakatakdang dumaan sa bayan ng Bato sakay ng isang Toyota Prado vehicle. Kaugnay nito, kaagad nagsagawa ng COMELEC checkpoint ang otoridad at naharang nga nila ang nasabing sasakyan nang dumaan ito sa Barangay ng Sipi.
Nadakip na lulan ng nasabing behikulo sina Rius Dela Cruz, Arnel Suarez, Noel Azores at Jony Raco na pawang armado ng kalibre kwarenta’y singkong mga baril. Kasamang inaresto ang driver ng sasakyan na nakilala naman sa pangalang John Paul Bernardino mula sa bayan ng Pandan.
Nasampahan na ng magkapatong na kaso ang mga suspek dahil sa paglabag sa RA 10591 o mas kilala sa tawag na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ganundin sa paglabag sa COMELEC Resolution No. 10446 (1) THE BAN ON BEARING, CARRYING OR TRANSPORTING OF FIREARMS OR OTHER DEADLY WEAPONS; AND (2) THE EMPLOYMENT, AVAILMENT OR ENGAGEMENT OF THE SERVICES OF SECURITY PERSONNEL OR BODYGUARDS DURING THE ELECTION PERIOD OF THE MAY 13, 2019 NATIONAL AND LOCAL ELECTIONS
Batay sa inilabas na resolusyon ng piskalya, walang piyansa para sa unang kaso, samantalang 36 Thousand ang recommended bail bawat isa para sa ikalawang kaso.(RAMIL SOLIVERES)