VIRAC, CATANDUANES – Tampok ang dating gobernador at dating kongresman sa ilang personalidad na kinilala at pinarangalan bilang Outstanding Catandunganon sa katatapos na Awards Night para sa The Outstanding Catandunganon Award (TOCA).

Si Gov. Araceli B. Wong ay kinilala sa TOCA sa pamamagitan ng kanyang kontribusyon sa Community Development at Entrepreneurship. Ang kanyang pag-upo bilang isang 3-termer governor ng lalawigan ay naglikha ng mas malawak na oportunidad para sa kaunlaran ng mga mahihirap lalo na sa sektor ng pag-aabaka. Bilang isang negosyante, si Wong ay nagsisilbi bilang pinuno ng isang malaking emperyo ng negosyo sa export, restaurant at real estate.

Samantala, kinilala naman sa kanyang hindi mapapantayang paglilingkod sa bayan si Cong. Cesar Sarmiento sa kategoryang Government Service. Sa ilalim ng kanyang siyam na taong termino bilang kinatawan ng probinsiya sa kamara, natupad ni Sarmiento ang kanyang trabaho hindi lamang bilang isang mambabatas kundi mga proyektong pinakikinabangan ngayon ng bayan.

Ilan pa sa mga awardee ng TOCA ay sina Carlo Arcilla para sa Science and Technology, Dan Bagay para sa Law Enforcement, Gil Chua para sa Media and Advertising, Felizardo Colambo para sa Human and Community Development, Santiago Gabionza, Jr. para sa Law, Jose Guerrero, Jr para sa Humanitarian Service, Estrella Placides para sa Arts and Culture – Posthumous, Maria Elena Robles-Felaire para sa Medicine and Allied Disciplines, Ranulfo Sanchez para sa Finance, Dante Silva para sa Education, Raymond Taopa para sa Community Service, Carlito Tariman sa Business, Victorio Valledor sa Finance, at Renato Vega sa Agriculture and Aquaculture.

Sa iba’t-ibang dahilan, hindi napasok ang tinaguriang The Last Man Standing ng Mamasapano Encounter na si Max Jim Tria, gayundin ang 2-time National Awardee bilang Modelong Duktor na si John Robert Aquino, maging ang premyadong nobelista na si Digna de Dios at marami pang iba. Paliwanag ng Komite, dahil umano sa establisadong criteria kaya maraming hindi nakapasok. Aminado umano ito na kailangang repasuhin ang ilang probisyon ng Criteria para sa pagpili ng The Outstanding Catandunganon Award.