Bato, Catanduanes – Tatalakayin sa ika-8 sesyon ng kamara ang panukalang batas na nagtatakda ng pagpapalit sa pangalan ng Cabugao School of Handicraft and Cottage Industries (CSHCI) para gawing Catanduanes Polytechnic Skills Development Institute (CPSDI).

Sa liham na ipinadala kay Lone District Cong. Hector S. Sanchez ni Committee on Higher Education and Technical Education Mark O. Go nakasaad dito na hihimayin sa darating na Nobyembre 19  ang House Bill number 5131 na ipinanukala ng kongresista.

Batay sa panukalang batas, maglilikha ng mga pagsasanay sa pagnenegosyo at pangkabuhayan maging opurtunidad sa trabaho sa mga taga Catanduanes ang hakbang na ito. Kasama rin dito ang pagpapalawig sa K-12 Curriculum na tinatawag na TVET upang magkaroon ng diploma Level V mula sa National Certificate (NCII).

Hangad din ng panukala na patuloy na masuportahan ang k-12 program ng DepEd sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga guro. Magiging daan din umano ito upang makakalap ng karagdagang pondo para programang ABOT LAHAT, na tutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Magsisilbing Assessment Center din umano ito para sa mga estudyante na nagtapos ng TECHVOC sa K-12 Senior High at ng iba pang sector sa probinsya. Mag-aalok din umano ito ng mga programang may kinalaman sa Agri-Fishery upang makasabay sa mga programa ng administrasyon gayundin sa layunin ng kalihim ng TESDA na maisakatuparan ang food security sa buong Pilipinas.

Kung maisasabatas ang nasabing panukala, hindi lang National Certificate o NC II ang kayang ibigay ng institusyon kundi maging NC III, mga sertipikasyon at diploma batay sa PTQF LEVEL V. Kapag naging ganap na polytechnic na umano ito, ang mga pagsasanay para sa mga programa ay mapapalawak at mapag-huhusay. Matitiyak din umano na de-kalidad ang mga pasilidad para sa industriya.

Sa pamamagitan nito makakapag-produce umano ng mataas na kalidad na mga manggagawa at magbibigay katuparan sa layunin na maging isa ang probinsya sa mga may mahuhusay na manggagawa sa bansa.

Magkakaroon din umano ng mga sangay sa mga bayan ng PANDAN, SAN ANDRES AT VIGA. Maliban dito magkaroon din ng limang manggagawa sa bawat extension campus ng mga nabanggit na bayan, na may kabuuang 15 posisyon. Hangad din na madagdagan ang MOOE Budget na maging 7.5 Milyon mula sa 1, 540,000 pesos, kung saan ang 3 milyon ay mapupunta sa mga kagamitan at sa mga istruktura na nagkakahalaga ng 50 milyon pesos sa General Appropriations Act o GAA. (Ulat ni Sarah Todoc)

Advertisement