VIRAC, CATANDUANES – Inamin ni Virac Airport Manager Primo Eleda na hindi pa umano handa para sa night flights ang Virac Airport na napabalitang ilulunsad sa 2022.
Ayon kay Eleda, kulang ang pasilidad ng paliparan para sa ganoong operasyon. Milyon-milyong piso umano ang halagang kakailanganin upang ihanda ang paliparan kagaya ng paglalagay ng mga kaukulang ilaw sa runway na magsisilbing gabay ng paparating at papaalis na eroplano.
Magugunitang isa ang Virac Airport sa 13 Airports sa buong bansa na nakatakdang sumailalim sa modernisasyon sa pangangasiwa ng TIEZA. Ang nasabing proyekto ay kinumpirma ni Cong. Hector Sanchez na ayon sa kanya ay sumasang-ayon sa kanyang programa upang payabungin ang turismo sa lalawigan.
Ayon kay Eleda, “Kung matutuloy yon, maganda kasi ikauunlad yan ng Catanduanes. Dadami ang mga turista ganoon din ang mga investor.”
Samantala, sa mga unang pahayag ni Cong. Sanchez, iminungkahi rin niya ang pagpapalawak ng Virac Airport Terminal.
Samantala, nanawagan naman ang ilang grupo na bigyan ng pansin ng lokal na pamahalaan na madagdagan ang biyahe ng eroplano. Sa kasalukuyan, halos solo ng Cebu Pacific ang biyahe mula Manila at Virac vise versa matapos pormal ng huminto ang Philippine Airlines na biyahe mula sa Clark Pampanga.
Ayon sa grupo, nananatiling mataas ang pasahe sa eroplano at mga mayaman lamang ang nakaka-afford na sumakay dahil sa dolyar na presyo. (PATRICK YUTAN)