Kinumpirma ni Dr. Elva Joson ng Virac Municipal Health Office (MHO) na inilibing na ang naitalang pinakaunang covid-19 patient na namatay sa bayan ng Virac kahapon (August 15), ilang oras lamang matapos itong bawian ng buhay.
Ayon sa kanya, ito ay batay sa DOH protocol na kailangang mailibing ang namatay sa covid sa loob ng labing dalawang (12) oras.
Dahil wala umanong crematorium sa lalawigan, mahigpit na ipinatupad ang sanitation protocols at ang proseso ng paglibing nito sa isang sementeryo.
Dahil sa naturang pangyayari muling umapela ito sa publiko nang ibayong pag-iingat at pagsunod sa mga health protocols para hindi na nadagdagan ang casualty.
Kasama rito ang palagian at tamang pagsuot ng facemask, face shield, social distancing, paghugas ng kamay at limitahan abg paglabas ng bahay.
Samantala, nag-apela naman si Mayor Posoy Sarmiento na iwasan muna ang pagdalo sa mga okasyon maging pagsagawa ng mga salu-salo upang maiwasan ang hawaan.
Dahil narito na umano sa local level ang virus, mas maiging sundin ang advice ng mga medical experts para maiawasang mabiktima ng nakakaalarmang sakit.
Una ng sinabi ng alkalde na mahirap para sa LGU na ipatupad ang apelang lockdown ng ilang sektor dahil walang kapasidad ang lokal na pamahalaan upang suportahan ang basic necessities ng mga tao dahil sa kakulangan ng pondo.
Self-discipline umano ang isa sa pinakamabisang hakbang laban sa covid para maiwasan o mapabagal ang pagkalat nito.