San Miguel, Catanduanes – Lulan ng Philippine Air Force (PAF) military plane mula Butuan Airport lumapag sa Virac Airport noong Agosto 27 ng tanghali ang bangkay ng isang sundalo na tubong Catanduanes.
Ang sundalo ang kinilalang si PFC Rommel C. Torreja ng 65th IB, 9ID, Philippine Army, 26-anyos, binata,
at residente ng Barangay Boton, San Miguel, Catanduanes.
Nagbuwis ng buhay ito matapos umanong tamaan ng bala ang ulo nito nang magkaroon ng mainit na bakbakan sa pagitan ng militar at rebeldeng NPA noong Agosto 25, 2020 sa Agusan del Sur.
Mula Virac Airport, ang bangkay ay isinakay sa isang marked vehicle na convoy ng Army, sasakyan ng San Miguel-MDRRMO pauwi sa kanilang tahanan.
Nakakalungkot ang eksena sa muling pagtatagpo ng pamilya kung saan malamig ng bangkay nang makauwi sa kanilang tahanan.
Ayon kay Lt. Willam Hiponia, Coy Commander ng 83rd IB, 9ID ng Phil. Army sa Catanduanes, may kasamang sundalong Surviving NCO ang fallen soldier na siyang tutulong sa pamilya sa pag-aasikaso sa mga kailangang dokumento para sa mga benefit claims ng napatay na sundalo.
Sa pakikipag-usap ng Radyo Pilipinas kay Sgt. Joey Bagadiong, Surviving NCO na ginawang in-charge ng 65th IB ng Army at naatasang maghatid ng bangkay ni Torreja sa kanyang pamilya, tinutulungan umano ng Phil. Army ang pamilya upang matanggap nito ang karampatang benepisyo mula sa gobyerno. Nagpaabot naman ng pakikiramay ang mga opisyal ng pamahalaan sa pamilya ng sundalo. Ipinaabot naman ni Presidente Duterte ang pakikidalamhati sa pamilya sa pamamagitan ng pag-abot ng bulaklak sa pamamagitan ng mga miyembro ng militar sa pamilya. (via Arlene Bagadiong #RadyoPilipinas)