Virac, Catanduanes – Patay na nang matagpuan ng mga naglalakad na bata ang isang 24 anyos na lalaki matapos mahulog sa bangin sa boundary ng Brgy. Antipolo Del Sur at Casoocan sa bayang ito.
Kinilala ang biktima na si Merlo Tabor, Jr, residente ng Brgy. Igang Virac, may asawa at may dalawang anak.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay Punong Brgy. Alex Guerrero ng Brgy. Casoocan na kasama sa mga rumesponde sa lugar, humigit kumulang alas onse umano ng gabi noong Pebrero Feb 25 nang i-drive nito ang kanyang motorsiklo para kumuha ng padalang pera sa kapatid nito sa Magnesia subalit hindi na nakabalik sa bahay.
Sa blotter na nakarating sa PNP, sinabi ni Chief of Police Tony Perez na gabi pa umano naghahanap ang pamilya nito maging buong maghapon noong Pebrero 26 nang may makakitang naglalakad na mga bata na tila nakahandusay sa bangin.
Humingi ng tulong umano ang mga nakakita at kaagad namang rumesponde ang konseho ng Casoocan.
Ayon kay Perez, sa pagresponde ng PNP kasama ang ilang personahe ng RHU, halos nasa state of decomposition na umano ang bangkay na marecover sa bangin. Wala naman umanong bakas ng foul play ang bangkay ng biktima. Tanging tama sa ulo at ibang bahagi ng katawan ang tinamo nito at dahil walang nakakita kaagad, kung kaya’t nalagutan nalang ng hininga ang biktima.
Ayon sa impormasyon, nakainom din umano ang biktima kung kayat posibleng aksidenteng nahulog ito sa bangin.
Kaugnay nito, nakatakdang maghain ng joint resolution ang Barangay Antipoli Del sur at Casoocan para hingin ang tulong ng provincial government na mapilawan at malagyan ng barandilla sa lugar dahil marami na umanong naaksidente sa naturang lugar (BicolPeryodiko)