Virac, Catanduanes – May kabuuang tatlumput pitong (37) frontline health workers ang sumalang sa makasaysayang ceremonial vaccination sa Eastern Bicol Medical Center (EBMC) kahapon, Marso 11, 2021.
Kasali sa mga buena mano salvo sa vaccination ay ang mga opisyal at personahe ng Department of Health (DOH), Provincial Health Office (PHO) at EBMC.
Sinaksihan ang ceremonial vaccination nina Governor Joseph C. Cua ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes, Mayor Posoy Sarmiento ng Virac, healthcare workers at mga miyembro ng media.
Dakong alas nuwebe y medya (9:30) ng umaga nasimulan ang pormal na pagbabakuna, ilang minuto lamang matapos maideliver ito sa pamamagitan ng eroplano ng Phil. Air force sa Catanduanes mula sa mainland Bicol.
Pinakaunang sinalang sa ceremonial vaccination ay ang pinuno ng DOH sa Catanduanes na si John Robert Aquino. Sinundan ng hiyawan at malakas na palakpakan matapos lamang maiturok ang unang dose ng bakuna kay Dr. Aquino.
Kasama sa mga sumunod na nagpabakuna ay sina Provincial Health Officer Dr. Hazel Palmes, Dr. Gregorio Macero ng EBMC, Hospital Chief Dr. Beatriz Abella ng EBMC at ang mag-asawang Dr. Franchette at Louie Panti ng PHO at EBMC.
Mula sa tatlumput pitong (37) nabakunahang frontliners kahapon, tatlumpu (30) rito ay nabakunahan ng Astrazeneca samantalang pito (7) ay Sinovac.
Ayon kay Dr. Hazel Palmes, isusunod ang second dose ng bakuna ng sinovac matapos ang dalawamput walong (28) araw samantalang matapos ang limamput anim (56) na araw ay pwede na ring isunod ang second dose ng AstraZeneca.
Ang Sinovac ay mula sa bansang China samantalang ang AstraZeneca ay mula naman sa bansang Britanya. (ULAT NI EDEN TEVAR | ARVIN TABUZO |FERDIE BRIZO)
#bicolperyodiko