Nilinaw ng Department of Health Bicol Center for Health Development (DOH Bicol CHD) ang pagkakaiba ng datos na nakasaad sa Daily COVID-19 Updates ng DOH Bicol CHD at sa datos na ipinapalabas ng mga Local Government Unit (LGU) bawat araw.

            Ito ay matapos makatanggap ang Bicol CHD ng mga katanungan tungkol sa hindi tugmang bilang ng active cases, recoveries at deaths ng LGU at DOH Bicol.

            Ang Daily COVID-19 Updates ng DOH Bicol CHD ay mula sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU). Ang datos ng RESU ay nakadepende umano sa bilang ng nagpositibo at specimen na sinuri mula sa mga COVID-19 laboratory.

             Kasama rin sa report ng Bicol CHD ang bilang ng mga namatay at gumaling sa COVID-19 mula sa mga Provincial/City/Municipal/Hospital Epidemiology and Surveillance Unit (ESU).

            Ayon sa DOH Bicol,  hindi kabilang sa Daily COVID-19 update ang mga recoveries at deaths na hindi nairereport ng mga LGU sa RESU. Ito umano ang madalas na nagiging sanhi ng pagkakaiba ng mga datus sa report ng DOH Bicol CHD at ibang LGU.

            Upang ipagtugma umano ang mga datos ay nagsasagawa ang RESU ng data reconciliation kasama ang mga LGU kamakailan. Ngunit, pinapaalalalahan ng Bicol CHD ang mga LGUs na agad ireport ang kanilang naitatalang recoveries at deaths upang maging tugma ang mga report ukol sa COVID-19.

            Isa rin sa dahilan ng hindi pagkakatugma ng mga datus na nairereport araw-araw ay ang pagsasagawa verification ng RESU ng mga inirereport ng local ESUs.

            Kaugnay nito, hinihimok ng DOH Bicol ang patuloy na kooperasyon hindi lamang ng mga lokal na pamahalaan, gobyerno at pribadong sektor, kundi pati ang kooperasyon ng publiko.

            Dapat umano sundin ang mga health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa komunidad. Palagiang magsuot ng facemask at face shield, paghugas o pagsanitize ng kamay, pagpapanatili ng isang metrong distansya mula sa ibang tao, pag-iwas sa mga matataong lugar at mass gathering, at pagsunod sa quarantine at isolation protocol.

            Hindi lamang umano trabaho iyo ng LGU kundi ang mga mamamayan upang  ganap na labanan ang pandemya dulot ng COVID-19.

Advertisement