Bato, Catanduanes – Inihain ni Catanduanes Lone District Congressman Leo Rodriguez ang House Bill no. 3892 na naglalayong makalikha ng isang Abaca Research and Development Office  sa lalawigan ng Catanduanes.

Kung makakapasa sa kongreso tatawagin itong “CARDO LAW” bilang suporta sa abaca industry sa isla.

Ayon sa panukala, magkakaroon ng sariling tanggapan sa lalawigan para mapalawak ang pananaliksik maging ang pagpapalago ng abaca industry, makalikha ng mga by-products at mapalakas ang marketability nito.

Matatandaang, nag-lapse into law o naging batas dahil sa kawalang aksiyon ng Pangulo ng Pilipinas sa loob ng 30 araw ang panukala na nagdedeklara sa lalawigan bilang “Abaca Capital of the Philippines” noong Abril 15, 2022 na inihain nina TGP Representative Bong Teves at dating Congressman Hector Sanchez.

Sa naturang batas, walang  inilatag na regular budget  maging sa General Appropriations Act para suportahan ang industriya.

Ayon sa kay Kongresman Rodriguez, malaki ang maitutulong nito upang mapanatili ng lalawigan ang pagiging Abaca Capital  of the Philippines at mapagtuunan ng pansin ang mga aspeto kung papano mapalago ang industriya at matulungan ang mga magsasaka na mapalawak ang merkado.

Sakaling maisakatuparan ang panukala, magbibigay din aniya ito ng alternatibong livelihood sa mga magsasaka habang wala pang ani at masigurong hindi madedehado ang mga magsasaka sa presyo ng kanilang ibebentang produkto sa mga traders. (Richmon Timuat)

Advertisement