Virac, Catanduanes – Pinababayad ng Ombudsman si Gobernador Joseph C. Cua ng halagang katumbas ng kanyang anim (6) na buwang sahod matapos itong mahatulang guilty sa  “Conduct prejudicial to the best Interest of the service”.

Gov. Cua

Ito ay batay sa labing anim (16) na pahinang decision ng tanggapan ng Ombudsman na may petsang Hunyo 17, 2022 na pinirmahan ni Ombudsman Samuel Martires.

Ang naturang hatol ay kaugnay sa mga kasong isinampa taong 2020 ni Ginoong Andy Po, residente ng Barangay Palnab, Virac, Catanduanes dahil sa ipinapatayong shipyard sa lugar na walang permiso mula sa mga kinauukulang ahensya.

Ayon sa Ombudsman,  dahil hindi umano masasabing inabuso ng gobernador ang kapangyarihan sa kanyang position kung kaya’t penalidad lamang ang naging hatol o pagbayad katumbas ng kanyang anim (6) na buwang sahod.

Samantala,  nakitaan naman ng Ombudsman ng probable cause at maaring sampahan ng kasong criminal ang gobernador dahil sa paglabag sa special laws, partikular sa Sec. 301 in relation to Section 213 ng PD 1096 o ang Building Permit Code at isang count ng paglabag sa Section 96 ng Republic Act 8550 (Fisheries Code) as amended by RA 10654.

Sa kabila nito, nakaligtas naman ang gobernador sa kasong paglabag Section 3 (C) ng  Republic Act 3019  o ang Anti-graft and Corrupt Practices Act RA 3019, Grave Misconduct, Grave Abuse of Authority at violation ng oath of office.

Matatandaang taong Hulyo 9, 2020, nag-ugat ang naturang issue nang kinasuhan si Cua ng isang nagngangalang Andy Po na siyang MENRO Officer sa bayan Virac dahil sa Shipyard Project ng JC Cua Group of Companies sa Barangay Palnab.

Ayon sa complainant ipinagpatuloy ang konstruksyon ng nasabing proyekto sa kabila ng kawalan ng mga dokumento gaya ng Locational Clearance, Building Permit, Foreshore Lease Agreement at Environmental Compliance Certificate.

Isa sa naging basehan ni Po sa kanyang mga isinampang kaso ay ang tungkol sa pagkasira ng tinatawag nilang “Kinaw” sa Brgy. Palnab del Sur sa bayan ng Virac, matapos na pahintulutan ng opisyal ang construction activity dito para sa shipyard project kahit walang kaukulang permit.

Ayon kay Po, walang halong pulitika ang kanyang naging hakbang at ginawa niya ito bilang isang pribadong indibidwal at hindi bilang isang LGU employee. Hangad niya lamang umano ang hustisya para sa mga taga Palnab lalo na at nag-iwan ng pinsala sa kalikasan ang nasabing aktibidad.

Ikinagalak naman ni Po ang naging hatol ng Ombudsman dahil sa nakitang probable cause sa kanyang mga kasong isinampa bagamat ibinasura ang Anti-graft and Corrupt Practices Act RA 3019, Grave Misconduct, Grave Abuse of Authority at violation ng oath of office. Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Bicol Peryodiko, sinabi ng gobernador na magkakaroon sila ng motion sa naturang desisyon. (BP NewsTeam)

Advertisement