Catanduanes Police Provincial Office (CATPPO), nagbigay ng Opisyal na Pahayag Hinggil sa Insidente sa Panganiban
Ang Catanduanes Police Provincial Office (CATPPO) ay nagpapaabot ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Dennil Jhon Tala Fulton, isang 28-anyos na binata na nasawi sa insidente noong ika-3 ng Enero, 2025 sa Barangay Cabuyoan, Panganiban, Catanduanes. Ang insidente ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Provincial Investigation and Detective Management Unit (PIMDU) upang matiyak ang transparency at katarungan.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag mula kay Barangay Kagawad Honesto Suarez Jr. ang Panganiban Municipal Police Station ukol sa isang lalaking lasing na nag-aamok at may dalang itak, na nagdulot ng takot at banta sa seguridad ng publiko.
Bandang 3:26 ng hapon, agad na nagresponde ang grupo ng kapulisan sa pamumuno ni PEMS Ronnie A Agawin, Deputy Chief of Police. Pagdating sa lugar, naabutan nila ang suspek na agresibong winawasiwas ang itak sa kalsada, dahilan upang matakot ang mga residente. Sa kabila ng paulit-ulit na pakiusap at tangkang pakalmahin ang suspek upang sumuko, tumanggi ito at biglang sumugod sa mga pulis. Sa gitna ng nakaambang panganib, napilitan ang isang pulis na paputukan ang suspek, na tumama sa parte ng katawan nito.
Agad na dinala ng mga pulis ang suspek sa Viga District Hospital upang magamot, ngunit binawian ito ng buhay bandang 5:57 ng hapon. Isinailalim sa forensic examination ng Provincial Forensic Unit (PFU) ang lugar ng insidente, pati na ang service firearm ng nakabaril na pulis na isasailalim din sa ballistic examination. Isinailalim din ang nakabaril na pulis sa kaukulang pagsusuri upang tiyakin ang pagsunod sa tamang proseso. Inaasahan ang resulta ng medico-legal mula sa ospital upang madagdagan ang impormasyon kaugnay sa pangyayari.
Habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon, nagsasagawa rin ng hiwalay na pagsisiyasat ang Provincial Internal Affairs Service (PIAS). Bukas din ang CATPPO sa anumang independent investigating body na nagnanais suriin ang insidente. Bilang bahagi ng suporta, nagpaabot ng tulong ang pamunuan ng CATPPO at ang Panganiban Municipal Police Station sa pamilya ng nasawi, at patuloy na nakikipag-ugnayan upang masiguro ang tamang proseso ng imbestigasyon.
Tinitiyak ng Catanduanes Police Provincial Office (CATPPO) ang kahandaan nitong tanggapin ang anumang resulta ng isinasagawang imbestigasyon at magpatupad ng mga kaukulang aksyon alinsunod sa batas. Ang institusyong ito ay naninindigan sa prinsipyo ng pananagutan, katarungan, at pagsunod sa tamang proseso, upang masiguro na ang bawat hakbang ay naayon sa itinatadhana ng batas at alinsunod sa mga karapatang pantao.
“Patuloy ang aming layunin na maglingkod nang tapat, bukas, at maayos sa mamamayan ng Catanduanes. Isang pangunahing tungkulin ng CATPPO ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa lalawigan, at hindi kami mag-aatubiling magsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, habang pinangangalagaan ang tiwala ng komunidad na aming pinaglilingkuran.”
“Sa kabila ng hamon na dulot ng mga insidente tulad nito, magpapatuloy ang CATPPO sa pagtupad ng tungkulin nito nang may integridad, transparency, at dedikasyon. Ang aming mga aksyon ay palaging nakabatay sa mga prinsipyo ng patas na hustisya at may layuning mapanatili ang tiwala ng bawat mamamayan sa sistema ng pagpapatupad ng batas. Sa lahat ng pagkakataon, sisiguraduhin naming ang mga polisiya at gawain ng CATPPO ay nakatuon hindi lamang sa kapayapaan kundi sa pagkakaroon ng maayos at makataong paglilingkod sa bawat indibidwal sa lalawigan.”