Virac, Catanduanes – Naitala sa Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Virac ang ikatlong casualty dahil sa covid-19 sa lalawigan ng Catanduanes.

            Sa report ng Provincial Health Office (PHO) nitong Enero 13, kinumpirma ang pagpositibo ng isang  40 anyos na babaeng pasyente na namatay noong Enero 3. Napag-alamang asymptomatic ito at inobserba naman ang standard protocol ng burial matapos mamatay sa isang hospital facility.

            Ito na ang ikatlong kaso ng covid-19 casualty sa bayan ng Virac simula nang ideklara ang pandemya. Unang kaso naitala nitong Hulyo at Agosto 2020 sa mga barangay ng Gogon at Danicop na pawang mga senior citizens.

            Samantala, halos sampung araw matapos mamatay bago nailabas ang resulta ng swab test. Kasama ito sa labing-limang (15) naitalang kaso sa magkakasunod na araw noong Enero 13 at 14, 2020. Ang Virac ay nakapagtala ng pitong (7) kaso, tatlo (3) sa bayan ng Bato at isa (1) sa San Miguel. Sumunod na araw, Enero 14,  apat (4) ang naitala sa bayan ng San Andres. Napag-alamang, karamihan sa mga nagpositibo sa naturang mga bayan ay mga health workers.

            Ang pitong kaso sa Virac ay ang mga sumusunod: Una, 54 anyos na babae, healthworker, symptomatic at naadmit sa health facility; ikalawa,  29 anyos na babae, asymptomatic; pangatlo, 66 anyos na lalaki, asymptomatic. Ika-apat ay ang 40 anyos na  babae, symptomatic at namatay noong Enero 3, 2021 sa health facility. Ikalima ay 42 anyos na babae, symptomatic. Ika-anim, 35 anyos na lalaki, asymptomatic samantalang ang ikapitong pasyente ay 27 anyos na babae at symptomatic.

            Samantala, ang tatlong kaso mula sa bayan ng Bato ay ang mga sumunod 42 anyos na lalaki with history of exposure kay patient bicol no. 3619, asymptomatic. 56 anyos na babae na symptomatic at ang 71 anyos na babae samantalang  isang pasyente naman sa bayan ng San Miguel ay ang 29 anyos lalaki, dating asymptomatic.

            Samantala, nitong Enero 14, lumabas naman ang positibong apat (4) na kaso sa bayan ng San Andres. Isang 26 anyos na babae, with history of exposure to Patient Bicol No. 3618, asymptomatic, 35 anyos na babae, self-employed, symptomatic, 33 anyos na babae at dating symptomatic at ang 53 anyos na babae, asymptomatic at ang lahat ng ito ay naka-isolate mula ng kunan ng swab test.

            Samantala, inirereklamo naman ng mga pasyente ang mabagal na paglabas ng resulta mula sa BRDRL. Halos umabot ng tatlong linggo bago naipalabas ang resulta dahil sa pasko at bagong taon, kung saan karamihan sa mga naisailalim sa swab test ay lampas na sa 15-day quarantine period.

            Dahil sa muling pagdami ng mga positibong kaso sa isla, muling nagpaalala ang pamunuan ng Department of Health (DOH) maging mga local government units sa mga mamamayan na sundin ang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Una nang naireport ang pagpositibo ng isang pinoy sa bagong variant ng virus mula sa UK nitong ikalawang linggo ng Enero, kung saan mas mabilis umanong makahawa ito, kung kaya’t ibayong pag-iingat ang paalala ng mga otoridad.

Advertisement