Sumakabilang buhay na si Ginoong Ed Laguerta, ang dating resident volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Legazpi, ngayong Disyembre 30, dakong alas-4 ng umaga, sa Irosin, Sorsogon.

Siya ay 69 anyos, kung saan heart failure umano ang sinasabing naging sanhi ng kanyang paglisan. Si Laguerta, na nagretiro noong 2019, ay naglaan ng dekada sa pagsusuri ng mga aktibidad ng Bulkang Mayon.

Ang kanyang mahahalagang ambag ay hindi lamang sa larangan ng siyensya kundi pati na rin sa kanyang kakayahan na isalin ang komplikadong teknikal na terminolohiya sa madaling maunawaan, kaya’t naging paborito siya ng media.

Maraming mensahe ng pakikiramay at alaala ang dumagsa mula sa mga dating kasamahan, na nagbigay-diin sa pagiging epektibo ni Laguerta sa larangan ng panganib lalo na sa pagsapantaha ng mga posbileng aktibidad at ang kanyang papel sa pang-unawa at pagtugon sa mga panganib na kaakibat ng Bulkang Mayon at lahar.

 Ipinahayag ni Albay 2nd district Representative Joey Salceda ang kanyang lungkot, sa maagang paglisan n Laguerta.  “Malungkot kami sa pagpanaw ng aking matalik na kaibigan na si Ed Laguerta, isang matagal nang kasosyo sa DRR sa pag-unawa at pagtugon sa mga panganib ng Mayon at lahar.”

Ipinaabot naman ni Dr. Rosa Maria Rempillo ng Department of Health Bicol ang kanyang pakikiramay, na nagsabi, “Ang aming mga dasal at pakikiramay sa iyong pamilya Sir Ed. Itinuturing kita na haligi ng Early Warning System (EWS) ng DRRM.

Salamat sa lahat ng mga taon na nagtrabaho kami kasama mo sa mga pagputok ng bulkan, lindol, at banta ng tsunami.” Sa dami ng mga mensahe, ibinahagi ni Edna Laguerta-Hay, ang panganay na anak ni Ed Laguerta, ang isang mapanuring pagmumuni, “Nakakaproud, nakakaoverwhelm di ko alam na malulungkot o matutuwa kami na masaya para kay Papa na maraming nakakalalala sa kanya.

Ngayon lang naming nafeel na ganun siya kadedicated sa trabaho, kinukwento niya mga accomplishment niya, kaya malungkot na masaya, sana buhay pa siya, pero nagawa niya yung responsibility niya.”  Paglalahad pa ng anak ng yumao. (Bicol Peryodiko)

Advertisement