Virac, Catanduanes – Nilinaw ni Dr. Robert John Aquino ng Department of Health (DOH) na sasailalim pa sa kaaukulang validation ang target na pagtatanggal ng mask bago ang itinakdang deadline para sa PinasLakas ngayong Oktubre 8, 2022.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko 87.9 DZBP-FM, binigyang diin ni Dr. Aquino na ang naturang hakbang ay batay na rin sa pangarap ng national government na alisin na ang mask at social distancing sa mga susunod na araw.

Ayon kay Dr. Aquino, hindi naman automatic ang unmasking dahil marami pang batayan bago makamit ang naturang target. Kasama rito ang konsiderasyon sa magnitude ng mga naitatatalang kaso at ang numero ng vaccination maging booster shots.

Isa umano itong komprehensibong effort hindi lamang ng mga nasa health sector kundi ang kooperasyon ng publiko, lalo na sa isinasagawang PinasLakas o ang booster dose na sinimulan noong Agosto 16, 2022.

Dagdag pa ng opisyal, hindi malayong makamit ng lalawigan ang naturang pangarap, lalo pa’t ang Catanduanes ay nasa ilalim na ng alert level 1. Sa isinagawang Resbakuna ng dating administrasyon, sinabi ni Aquino na Catanduanes ang nanguna sa buong rehiyon. Ang Catanduanes pa umano ang naging daan upang mapataas ang performance ng rehiyon.

Ngayon sa Pinaslakas, umaasa si Aquino na makakamit ang naturang pangarap sa tulong at kooperasyon ng mga mamamayan.

Batay sa datus, mahigit 23,000 na ang sumailalim sa booster na halos kalahating bilang na sa kabuuang target na 50,427 hanggang sa Oktubre 8, 2022.

Sa mga nais magpabooster umiikot umano ang buong team ng DOH at PHO maging mga Rural Health Units upang abutin ang mga lugar na mahirap ang transportasyon.

Ang 12 taong gulang pataas ay pwede na umanong magpalista sa 1st at 2nd booster dose. Pwede na ring magpa 2nd booster dose ang mga co-morbid simula 12 hanggang 49 taong gulang.

Inamin ng opisyal na halos meron pang mga lugar sa lalawigian na mataas pz ang hesitancy rate. Ang bayan ng Caramoran ang nangunguna sa mababa ang numero ng mga nababakunahan dahil sa mataas na hesitancy, dagdag pa ng opisyal. (Ferdie Brizo)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.